Ex-PCSO GM Royina Garma Ex-PCSO GM Royina Garma

Garma tinawag na nagtatago sa likod ng inosenteng anyo

143 Views

ISINALARAWAN ng isang mambabatas ang retiradong police colonel na si dating General Manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Royina Garma bilang ‘ruthless killer’ na nagtatago umano sa likod ng inosenteng anyo upang isagawa ang mga brutal na krimen.

Ginawa ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel ang pahayag na ito matapos magbigay ng pahayag sa House Quad Committee ang dalawang testigo na nag-aakusa kay Garma na siyang utak ng pagpaslang kay PCSO board secretary at retired police general Wesley Barayuga noong Hulyo 2020.

“Mr. Chair, Col. Garma is a woman disguised as a meek lamb, but deep inside her, she is a ruthless killer, killing without mercy innocent people, killing without remorse innocent victims, especially in the war on drugs,” ani Pimentel sa ikapitong pagdinig quad committee na nagiimbestiga sa extrajudicial killings (EJK) sa pagpapatupad ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Sa testimonya ni Police Lt. Col. Santie Mendoza, sinabi nitong ipinag-utos ni Garma ang pagpatay kay Barayuga kapalit ang halagang P300,000, ang pahayag na kinumpirma naman ni retiradong si Police Col. Nelson Mariano, na umamin na siyang naghanap ng hitman.

Ipinaliwanag ni Mendoza na nagsimula ang plano noong Oktubre 2019 nang lapitan siya ni Police Col. Edilberto Leonardo tungkol sa isang “special project” upang i-eliminate si Barayuga na iniuugnay sa illegal drug activities.

Sa kabila ng pag-aalinlangan, napilitang sumunod si Mendoza lalo’t ang utos ay direktang galing kay Garma na kilalang malapit sa noo’y Pangulong Duterte.

Sa kanyang interpelasyon, sinabi ni Pimentel na si Garma ang nagplano ng pagpatay upang hadlangan si Barayuga sa paglalantad ng korapsyon sa loob ng PCSO.

“The motive of the killing of Gen. Barayuga was to stop General Barayuga from testifying against Col. Garma. ‘Yun po ang totoong nangyari, Mr. Chair,” ang pahayag ni Pimentel sa Quad Committee, na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers.

Pinalawig ni Pimentel ang kanyang mga pahayag, kung saan inakusahan si Garma sa pag-organisa ng iba pang mga pagpatay, base sa mga testimonya at ebidensya mula sa iba’t ibang saksi at resource person na ipinakita sa komite.

Hindi bababa sa apat na saksi ng Quad Comm ang nagsasangkot kay Garma na nag-utos para patayin ang tatlong hinihinalang Chinese drug lords sa isang bilangguan sa Davao noong 2016, sa simula ng anti-drug war ng administrasyon ni Duterte.

Nasangkot din si dating Pangulong Duterte sa mga pagpatay, na diumano’y bumati kay Supt. Gerardo Padilla, ang warden ng bilangguan noon, matapos patayin ng mga hitman na sina Leopoldo “Tata” Tan Jr. at Fernando “Andy” Magdadaro ang tatlong Chinese inmates—sina Chu Kin Tung, Li Lan Yan, at Wong Meng Pin.

Ang mga pagpasalang na ito, na kinumpirma ng ilang saksi, ay itinuturing na bahagi ng malawakang EJK na konektado sa kontrobersyal na kampanya laban sa droga.

Tinukoy din ni Pimentel na nang italaga si Garma sa Cebu City, naitala ang 198 na pagpatay, batay sa ulat ni former Mayor Tommy Osmeña.

“And ngayon po, klarong-klaro po na ang mastermind ng pagpatay kay Gen. Barayuga ay walang iba po kung hindi si Col. Garma in cooperation, in cahoots with Col. Leonardo based on the testimony of our two resource persons,” ayon kay Pimentel.

Hinimok ni Pimentel ang komite na isama sa rekomendasyon ang paghahain ng kasong murder laban kina Garma at Leonardo sa kanilang report.

Ayon kay Pimentel, ang pagpatay kay Barayuga ay direktang konektado sa kanyang papel sa pagbubunyag ng korapsyon sa loob ng PCSO, partikular sa mga operasyon ng Small Town Lottery (STL).

“At the time of Gen. Barayuga’s killing, he was working with the NBI (National Bureau of Investigation) on an investigation into corruption at the PCSO,” ayon pa kay Pimentel.

Binanggit ni Pimentel ang sinabi ng noo’y officer-in-charge ng NBI na si Eric Distor, na si Barayuga ay “handa na may lahat ng dokumento at, sa katunayan, handa siyang magpatotoo laban sa korapsyon at mga ilegal na gawain sa PCSO.”

Dagdag pa ni Pimentel, kay Garma rin galing ang sasakyang ginamit ni Barayuga sa araw ng ito ay pinaslang.

“‘Yung nakita po niyong pickup [van] kanina na sinakyan ni Gen. Barayuga was given by Col. Royina Garma to make sure na ma-identify po si Gen. Barayuga. Kasi si Gen. Barayuga wala hong sasakyan ‘yun,” punto pa ni Pimentel.

Dagdag pa niya: “Kaya mahirap po i-surveillance dahil walang routinary procedure. Kaya binigyan po ni Col. Garma ng bagong pickup si General Barayuga. ‘Yun kasi ang binigay na impormasyon niya kay Nelson Mariano. Pati ang plate number, description sa araw ng pagpaslang.”

Si Barayuga ay binaril at napatay ng isang hindi kilalang salari na tumakas sakay ng motorsiklo dakong alas-3:30 ng hapon noong Hulyo 30, 2020, habang pauwi galing sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.