Calendar
Gatchalian: Balik-trabaho na ang Senado matapos bangayan sa liderato
SINABI ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na balik-trabaho na ang Senado matapos ang bangayan sa liderato na nakaantala sa trabaho ng kapulungan at nagbukas ng mga tanong sa operasyon nito.
“Back to work season na ang Senado,” ani Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, dapat nang magpokus ang mga senador sa mga panukalang-batas, partikular sa mga priority bill ng Legislative-Executive Development Advisory Council.
Sinabi niya na kapos na ang panahon ng Senado upang maaksiyunan ang mahahalagang panukala kaya kailangang bumalik na ang kapulungan sa regular nitong trabaho.
“Stressful ang nangyari sa Senado and I guess all senators just want to go back to work,” ani Gatchalian.
“We barely have enough time to finish. We have to go back to our normal programming,” dagdag niya.
Sinabi ni Gatchalian na dapat ding maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo ng taumbayan, dahil halos P25 milyon ang ginagastos ng Senado araw-araw.
“We are spending almost P25 million daily at sayang ang pera ng taumbayan. If you count those days na naging unproductive tayo, talagang sayang ang pera,” ani Gatchalian.
“Sabi nga ng marami nating kasamang senador, we just want to go back to work,” dagdag niya.
Sinabi ni Gatchalian na nagsimula na rin ang bagong liderato sa pagbibigay ng committee responsibilities sa mga senador na hindi kabilang sa bumoto sa kanya bilang Senate President.
Ayon sa kanya, ibinigay kay Sen. Bong Go ang sports at youth committees, kay Sen. Mark Villar ang banking committee, habang kay Sen. Camille Villar naman ibinigay ang Committee on Government Corporations and Public Enterprises na inaasahang hahawak sa mga panukalang may kaugnayan sa government optimization.
Sinabi rin ni Gatchalian na hindi siya nababahala sa petisyong inihain sa Supreme Court ng grupo ni dating Senate President Alan Peter Cayetano na kumukuwestiyon sa hakbang ng 12 senador.
“Kasi in the absence of TRO ay tuloy lang ang aming trabaho,” ani Gatchalian.
Ayon sa kanya, sinubukan din niyang makipag-ugnayan sa mga miyembro ng minority bloc matapos ang sigalot sa liderato.
Kaugnay ng usapin sa seguridad sa Senado, sinabi ni Gatchalian na dapat nang hawakan ng Department of Justice ang kinakailangang imbestigasyon sa pakikipag-ugnayan sa Office of the Sergeant-at-Arms.
“I will let DOJ handle all necessary investigation in coordination with our own OSAA. Kasi we cannot investigate ourselves,” ani Gatchalian.
Sinabi niya na dapat panagutin sa tamang proseso ang mga direktang lumahok sa anumang paglabag.
“Direct participant should be held accountable,” ani Gatchalian.
Iginiit din ni Gatchalian na lahat ng papasok sa Senado, kabilang ang mga senador, ay dapat sumunod sa security protocol.
“Dapat lahat kami dumaan din sa security protocol,” ani Gatchalian.
“Dapat secure lahat ng ingress at egress. Regardless kung sino papasok,” dagdag niya.
Sa usapin ng impeachment, sinabi ni Gatchalian na susundin ng Senado ang Konstitusyon at ang rules.
Sinabi niya na tatalakayin ng mga senador kung maaaring mamuno si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa impeachment proceedings, ngunit binanggit na batay sa rules, ang Senate President ang namumuno.
“We will discuss if Sen. Francis Chiz Escudero will preside on the impeachment. Based on the rules ay SP,” ani Gatchalian.
“We will follow what the Constitution is saying. I will uphold what is in the Constitution,” dagdag niya.
Ayon kay Gatchalian, inaayos na ng Senado ang seguridad at mga pasilidad para sa impeachment proceedings, kabilang ang mga silid para sa prosecution at defense panels, gayundin ang media accommodations.
Sinabi niya na sineseryoso ng Senado ang lahat ng uri ng banta, kabilang ang mga banta kaugnay ng impeachment proceedings.
“We are taking seriously all kinds of threat including sa impeachment threat,” ani Gatchalian.
“We have to make sure that covered ng gusto ang Senado ng enough security and the right authorities like PNP, AFP, MMDA, and all related agencies,” dagdag niya.
Ayon kay Gatchalian, ginagawa ang mga paghahanda upang matiyak na may sapat na koordinasyon ang Senado sa mga security at law enforcement agencies.
Kaugnay naman kay Sen. Jinggoy Estrada, sinabi ni Gatchalian na susundin ng Senado ang desisyon ng Sandiganbayan na nagpapataw ng 90-day suspension.
Sinabi niya na kukonsulta siya sa legal team ng Senado hinggil sa epekto ng suspension, kabilang sa papel ni Estrada bilang senator-judge sa impeachment proceedings.
“Since may 90 days suspension na siya, we have to follow the decision of the Sandiganbayan. I have to consult our legal team. But we will follow what took place in the past,” ani Gatchalian.
“When you are suspended, it follows everything including pagiging senator-judge,” dagdag niya.
Sinabi ni Gatchalian na nakatuon na ngayon ang liderato ng Senado sa pagpapanumbalik ng normal na trabaho, pagkilos sa priority legislation, pagpapatibay ng seguridad ng kapulungan at paghahanda sa mga tungkuling nakasaad sa Konstitusyon.

