Kiko

Pagtalaga ng impeachment manager tinitingnan

28 Views

SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na maaaring magtalaga ang Senate impeachment court ng impeachment manager upang tumulong sa maayos na daloy ng paglilitis sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lacson, maaaring tumulong ang impeachment manager sa presiding officer sa pamamahala ng proceedings sa floor, katulad ng papel ng majority leader sa regular na sesyon ng Senado.

“Titingnan namin kung pwede makapagtalaga rin kami ng isang Impeachment Manager. Yan ang pwede para mag-quarterback kung overwhelmed ang Presiding Officer, pero may nag-assist sa floor. Parang siya ang conductor sa floor, ika nga, parang majority leader,” sinabi ni Lacson.

Sinabi niya na ikinokonsidera ng majority bloc si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer at si Senador Francis “Kiko” Pangilinan bilang impeachment manager, at binanggit na kapwa abogado ang dalawa.

Ayon kay Lacson, ihahalal pa rin sa July 6 ang presiding officer, sa oras na mag-convene ang impeachment court para sa trial.

Sinabi niya na hindi absolute ang kontrol ng presiding officer sa proceedings dahil maaari pa rin itong ma-overrule ng senator-judges sa floor.

“The Presiding Officer is just one vote, he can be overruled by the other senator judges on the floor,” ani Lacson.

Nagpahayag din si Lacson ng pangamba sa posibleng epekto ng preventive suspension sa bilang ng senator-judges na maaaring makalahok sa impeachment trial.

Ayon sa kanya, maaaring maging komplikado ang usapin kung may ilang senator-judges na masuspinde, dahil sa constitutional requirement na two-thirds vote para sa conviction.

“Yan na nga ang posibleng absurdity na mangyari, assuming na at least nine senator-judges ang ma-suspend. The trial will be a mere formality for acquittal. I’d rather leave it to the wisdom of the Court to come up with a practical necessity to intervene,” sinabi ni Lacson.

Sinabi ni Lacson na mas mainam na ang Supreme Court ang mag-interpret sa usapin kung ito ay maihahain nang nararapat, lalo na dahil may legal at political questions na sangkot.

“Mas mainam nang sila na maginterpret yan. Dahil kung kami, maraming question, kasi pulitika yan. Samantalang ang Korte Suprema, they’re beyond politics,” ani Lacson.

Pormal na sinimulan ng Senate impeachment court nitong Huwebes ang pre-trial conference para sa impeachment case ni Duterte, kung saan pinangunahan ng Senate officials ang preliminary meeting na dinaluhan ng House prosecution panel at defense team.

Ang pre-trial conference ang paunang pagpupulong ng dalawang panig bago pormal na mag-convene ang senator-judges bilang impeachment court.