District Rep. Bienvenido

Grupo ni Cayetano iniwan 18 ex-bodyguard nang mabigo ang pagdinig

20 Views

MUKHANG iniwan na umano ang tinaguriang 18 dating bodyguard ng dating kongresista na si Zaldy Co ng mga senador na sumuporta sa kanilang mga alegasyon matapos hindi matuloy ang malawakang inianunsiyong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at nauwi na lamang ito sa isang press conference.

Ito ang obserbasyon ni House Committee on Human Rights Chairman at Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. nitong Huwebes. Aniya, nalagay sa alanganin ang mga testigo matapos hindi dumalo sa pagdinig noong Hunyo 16 ang mga kaalyado ng dating Senate President na si Alan Peter Cayetano, partikular si Sen. Rodante Marcoleta, dating pinuno ng Blue Ribbon subcommittee, sa pagpupulong na isinulong ng dating kongresista na si Mike Defensor.

“Matapos ang lahat ng paghahanda, publisidad, at mga dramatikong akusasyon, ang naiwan na sumasalo ng problema ay ang mga testigo mismo at ang kanilang handler,” ani Abante. “Ang masakit, puro mga kaso ang kinakaharap ngayon ng mga dating bodyguard.”

“Ipinakilala sila bilang mga mapagkakatiwalaang insider na may mga pasabog na kuwento. Ngunit nang dumating ang pagkakataon na masuri ang kanilang mga pahayag sa isang diumano’y pagdinig ng Senado, wala roon ang mga pulitikong tumulong upang mapalakas at mapansin ang kanilang mga alegasyon,” dagdag niya.

Inakusahan ng grupo ang ilang miyembro ng Kamara at iba pang personalidad na tumanggap umano ng mga maleta na naglalaman ng pera mula kay Co, mga alegasyong mariing itinanggi ng mga sangkot.

Nauna nang nilinaw ng Senate Blue Ribbon Committee, na ngayon ay pinamumunuan ni Sen. Erwin Tulfo, na wala itong inaprubahan o itinakdang pagdinig kaugnay ng naturang usapin.

Si Abante, na isa sa mga personalidad na inakusahan ng grupo, ay naghain ng reklamong cyber libel laban sa kanila sa Manila Prosecutor’s Office.

Ayon kay Abante, ang pagkabigo ng planong pagdinig ay nag-iwan sa mga testigo sa isang alanganing sitwasyon matapos mapalawak sa publiko ang kanilang mga alegasyon sa tulong ng ilang pulitiko na kalaunan ay hindi naman dumalo.

Binanggit ni Abante na si Defensor ay hayagang nag-anunsiyo ng umano’y pagdinig at personal na dumalo sa venue kasama ang mga testigo at mga miyembro ng media.

“Dumating ang mga testigo. Dumating si Mike Defensor. Dumating ang media. Ang hindi dumating ay ang mga senador na dapat sana’y magbibigay ng kredibilidad sa naturang kaganapan,” ani Abante.

“Kaya naman nagtapos ang buong pangyayari hindi sa mga kasagutan kundi sa mas marami pang mga tanong,” dagdag niya.

Sinabi ng lider ng Kamara mula sa Maynila na ang pagkabigo ng planong pagdinig ay nagdulot ng pagdududa hindi lamang sa mga alegasyon kundi maging sa mga taong nasa likod nito.

“Napakaseryoso ng mga akusasyong ito na may kinalaman sa mga maletang umano’y puno ng pera at mga alegasyon ng maling gawain ng mga opisyal ng gobyerno. Ang mga seryosong paratang ay nangangailangan ng seryosong pagsusuri,” ani Abante.

“Kung talagang napakatibay ng ebidensiya, bakit bumagsak ang pagdinig bago pa man ito magsimula?” tanong niya.

Ayon pa kay Abante, nararapat lamang na magpaliwanag sa publiko ang mga nagsulong at nag-anunsiyo ng naturang pagdinig.

“Hindi maaaring ilang araw kang mangako ng isang malaking pagdinig sa Senado at pagkatapos ay press conference lamang ang maibigay mo matapos mabigo mismo ang pagdinig,” aniya.

“Sa huli, nawala ang pagdinig, nawala ang mga senador, at kasabay nilang nawala ang kredibilidad ng buong operasyon,” pagtatapos ni Abante.