Gatchalian

Gatchalian hinihikayat regulatorS na palakasin proteksyon ng mga mamimili vs online scam

215 Views

HINIKAYAT ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga regulator na palakasin ang proteksyon ng mga mamimili laban sa iba’t ibang uri ng online financial fraud sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng mga ganitong panloloko lalo na’t papasok na ang holiday season.

Ang panawagang ito ni Gatchalian ay sumusuporta sa babala sa publiko ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) tungkol sa mga online scams na naglipana kapag ganitong panahon kung saan dumarami pa ang mga pekeng online shops na nagbebenta ng mga pekeng produkto at kung saan mas maraming mga kawatan ang lumilikha ng mas marami pang pekeng e-wallet apps o mga apps na mukhang lehitimong e-wallet.

“Sa pagpasok ng bonus season, ito ang panahon na mas marami na ring mga kawatan ang umaatake tulad ng nangyari noong mga nakaraang taon,” dagdag pa niya, na nagpapalakas ng kahalagahan para sa mga financial institution tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC), at Cooperative Development Authority (CDA) na palakasin ang kanilang cybersecurity measures.

Sa kaso ng mga bangko, binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng prosesong “know-your-customer” (KYC) at iba’t ibang e-wallet platforms, kung saan halos lahat na ng mga bangko ngayon ay nag-aalok sa kanilang mga kostumer na magbukas ng kanilang financial accounts sa pamamagitan ng online na transaksyon. Ayon sa kanya, ang KYC process ng mga financial organizations ay nagsisilbi bilang filter upang malaman kung ang may-ari ng account ay totoong tao o hindi, at upang malaman ang pananagutan ng bangko.

“Panahon na upang bigyang-diin natin kung ipinapatupad ba o kung paano ito ipinapatupad ng mga regulator lalo na’t nariyan na ang batas para sa proteksyon ng mga mamimili pati na ng financial products at financial services,” sabi ni Gatchalian. Isa si Gatchalian sa mga may-akda ng Republic Act No. 11765 o ang Financial Products and Services Consumer Protection Act. Sa ilalim ng batas na ito, binibigyan ng malawak na kapangyarihan ang mga financial regulator upang bumuo ng kanilang mga pamantayan at patakaran upang protektahan ang mga mamimili mula sa mga financial fraudsters.

“Ito rin ay isang kolektibong responsibilidad, at ang mga mamimili ay dapat ding maging maingat sa kanilang mga personal na impormasyon,” iginiit ni Gatchalian.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtitiyak na maipabatid nang mabuti sa mga mamimili ang mga lunas at paraan ng pagsusumbong sa kaso ng pandaraya na nakakaapekto sa kanilang mga financial accounts. “Nais natin na magkaroon ng tiwala ang ating mga mamamayan sa ating sistema ng pananalapi. Ngunit kung kayang manipulahin ng mga kawatan ang sistema, tulad ng pagpe-pressure sa mga bangko na baguhin ang mga numero ng telepono nang walang kumpirmasyon mula sa may-ari ng account, maaaring mawalan ng tiwala ang publiko,” pagtatapos ng senador, na inalala ang isang parehong insidente na kanyang naranasan ilang taon na ang nakaraan.