Gatchalian

Gatchalian: Ituloy ang work-from-home para tipid sa gasolina, gastos sa pamasahe

233 Views

HINIKAYAT ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga ahensya ng gobyerno, pati ang mga pribadong kompanya, na ipagpatuloy ang flexible work arrangement para makatipid sa gasolina at pamasahe at mapabuti ang lagay ng mga empleyado.

“Ang aking opisina ay patuloy na nagpapatupad ng work-from-home arrangement upang makatipid sa gasolina, makaiwas sa masikip na trapiko, makatipid sa oras, at maiwasan ang hirap ng pag-commute araw-araw papasok sa trabaho,” sabi ni Gatchalian.

Ang ganitong setup aniya ay mapapakinabangan din ng mga employer dahil makakatipid sila sa mga gastusin ng kumpanya.

“Ito na ang new normal at produktibo pa rin katulad ng isang office setting. Malaking kaluwagan ito lalo na sa panahon ngayong aabot na sa isang daang piso kada litro ang produktong petrolyo at tumataas ang pamasahe. Dumarami na rin ngayon ang hindi bumibiyaheng pampublikong sasakyan dahil sa walang habas na pagtaas ng presyo ng langis,” dagdag pa ng senador.

Bago pa maglabas ng resolusyon ang Civil Service Commission (CSC) na nagpapahintulot sa flexible work arrangements sa mga ahensya ng gobyerno, sinabi ni Gatchalian na ipinatutupad na ito ng ilang pribadong kumpanya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11165 o ang “Telecommuting Act”, ang mga pribadong kumpanya ay maaaring mag-alok ng isang telecommuting program sa mga empleyado nila batay sa mga tuntunin at kondisyon na napagkasunduan nila.

Para mapalawig pa ang flexible work arrangement, nais ni Gatchalian na maisabatas ang kanyang panukala na magbibigay ng tax incentives sa mga empleyado na naka work-from-home o telecommuting program at income tax deduction sa mga employer.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1706, kung saan co-author si Gatchalian, magbabawas ng P25.00 mula sa binuwisang kita ng isang empleyado sa bawat oras ng trabaho na ginawa sa ilalim ng WFH arrangement. Sa kanyang panukala, iminungkahi rin ng senador na huwag nang buwisan ang mga allowance at iba pang benepisyo ng mga empleyado na sumasaklaw sa mga gastos para sa telecommuting na hindi hihigit sa P2,000 kada buwan.

Sa bahagi ng mga employers, iminungkahi ng senador na maaaring bawasan ng karagdagang 50 porsyento ang kanilang income tax deduction para sa mga allowance na sakop ng panukalang batas.

Ang nasabing probisyon ay naglalayong makahikayat ng mga employer na magbigay ng mga kinakailangang allowance sa kanilang mga empleyado habang ang iminumungkahing pagbabawas ng buwis para sa mga manggagawa ay layong makapagbigay ng mas mataas na take-home pay para sa kanila,” dagdag pa niya.