Gatchalian

Gatchalian: Palawigin local disaster management fund bilang paghahanda sa mga kalamidad

255 Views

UPANG paigtingin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na rumesponde sa mga kalamidad, naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na layong palawigin ang paggamit sa Local Disaster Risk and Reduction Management (LDRRM) Fund.

Layon ng Senate Bill No. 939 na inihain ni Gatchalian na amyendahan ang Philippine Disaster Risk and Reduction Management Act of 2010 (Republic Act No. 10121) upang madagdagan ang maaaring paglaanan ng local government unit (LGU) ng LDRRM Fund. Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, ang LDRRM fund ay maaari nang gamitin upang pondohan ang mga proyektong pang-imprastraktura na tutugon sa epekto ng mga kalamidad at sakuna.

“Dahil sa palaging tinatamaan ng kalamidad at sakuna ang ating bansa, dapat handa tayo sa lahat ng pagkakataon upang maiwasang masira ang mga tahanan at mga gusali, mawasak ang kabuhayan, at may buhay na makitil higit sa lahat,” ani Gatchalian.

“Dahil mas malapit ang ating mga lokal na pamahalaan sa ating mga kababayan, kailangan nating patatagin ang kanilang kakayahan na rumesponde sa mga kalamidad. Ngunit hindi nila ‘to magagawa kung kulang ang kanilang pondo, kaya naman iminumungkahi nating palawigin ang maaaring paggamitan ng lokal na pondo para sa pagresponde sa mga kalamidad at sakuna,” dagdag na pahayag ng senador.

Iminumungkahi rin ni Gatchalian ang paggamit ng LDRRM Fund upang bayaran ang mga obligasyong kasunod ng pagpondo sa mga proyektong may kinalaman sa ”disaster preparedness and mitigation.” Isinusulong din niyang magamit ang LDRRM Fund para makakuha ng sapat na empleyado na magpapatupad ng mga lokal na programa para sa DRRM.

Tinukoy rin ni Gatchalian, na naging alkalde ng Valenzuela City sa loob ng tatlong termino, na kung ang isang LGU ay hindi madalas dumanas ng kalamidad ay naiipon ang LDRRM Fund nito sa isang special trust fund na maaari lamang gamitin sa mga programa sa disaster risk and reduction management (DRRM) sa susunod na limang taon.

Upang mapaigting ang kakayahan ng mga LGU na iangkop ang paggamit ng hindi nagastos na pondo, iminumungkahi ni Gatchalian na ang hindi nagamit na LDRRM Fund sa loob ng isang taon ay ilaan na lamang sa mga lokal na programang pang-DRRM sa loob ng tatlong taon imbes na lima ayon sa mandato ng R.A. 10121. Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, ang mga pondo na hindi nagamit matapos ang tatlong taon ay babalik sa general fund ng LGU at maaaring gamitin sa mga social services na tutukuyin ng lokal na sanggunian.