Budget

Gatchalian pinuri 2026 budget

252 Views

SA pagsisimula ng plenary debates sa Senado para sa panukalang 2026 national budget, sinabi ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na ang spending plan ay fiscally sound at socially responsive, lalo na’t ₱1.38 trilyon ang inilaan para sa edukasyon—ang pinakamalaking bahagi na naibigay sa sektor sa kasaysayan.

Nakatuon din ang malaking pondo sa kalusugan. Itinaas sa ₱62.6 bilyon mula ₱53.3 bilyon sa National Expenditure Program ang alokasyon para sa Zero Balance Billing Program, na layong palawakin ang access sa de-kalidad na serbisyong medikal sa mga pampublikong ospital.

May ₱101.8 bilyon naman na nakalaan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na magpapalawak ng coverage sa humigit-kumulang 500,000 bagong near-poor households. Tumaas ng ₱8.2 bilyon ang Social Pension para sa Indigent Senior Citizens upang maisama ang 663,000 senior na nasa waiting list, habang pinalakas ang Supplementary Feeding Program para maabot ang mahigit 1.8 milyong batang limang taong gulang pababa.

Para sa 2.3 milyong Overseas Filipino Workers (OFWs), dinoble sa ₱2.4 bilyon ang AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers, mula sa ₱1.2 bilyon sa bersyon ng Mababang Kapulungan.

Pinalalakas din ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng karagdagang ₱500 milyon para sa pagtatayo ng Food Hubs, na magbibigay-daan sa mga magsasaka na direktang makapagbenta sa mga konsyumer at retailers upang mapataas ang kanilang kita at mapatatag ang food supply chain.

“Masusi nating sinuri ang budget hanggang sa huling detalye para makabuo ng mga polisiyang fiscally sound, socially responsive, at makatao,” ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance.

Samantala, nabawasan ng ₱55.91 bilyon ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos matukoy ang iba’t ibang red flags sa ilang infrastructure projects. “Nakatuon tayo sa pagbabalik ng kung anong nawala—leadership, accountability, at transparency,” ani Gatchalian, sabay banggit na ang mga nagdaang pagkukulang ay dulot ng malawakang korapsyon.

Binigyang-diin din niya na mahalaga ang seguridad ng bansa, at ang defense sector ay may nakalaang ₱385.97 bilyon—ang pinakamataas na budget para sa depensa sa kasaysayan. “Dahil hindi lang nakasalalay sa mga tulay, daan, at gusali ang pag-unlad, mahalaga rin ang seguridad ng ating mga komunidad,” aniya.