Pangilinan Sen. Francis “Kiko” Pangilinan

Pangilinan: Pahayag ni Zaldy Co mahina, dapat siyang humarap sa imbestigador, sumumpa

236 Views

HINAMON ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, sa isang televised interview sa ANC’s Headstart, si Zaldy Co na humarap sa mga imbestigador at magsumite ng sinumpaang salaysay, sa gitna ng mabibigat na alegasyon ng korapsiyon na nakapaloob sa kanyang mga video.

Ayon kay Pangilinan, seryoso ang mga ibinunyag ni Co, kabilang ang pag-uugnay ng pangalan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Speaker Martin Romualdez, ngunit mananatiling “mahina” ang halaga nito hangga’t hindi nasa ilalim ng panunumpa.

“Gusto naming makapagtanong nang masinsinan, pero hindi namin magawa ngayon,” aniya.

Itinulak din niya ang pagpasa ng Independent People’s Commission (IPC), na magbibigay ng independent whistleblower immunity at proteksiyon kapag matataas na opisyal ang nasasangkot.

Handa na aniya para sa deliberasyon ang panukala kapag naideklarang urgent.

Kasabay nito, inihayag ni Pangilinan ang paghahain ng panukalang lilikha ng Congressional Commission on the State of the Philippine Justice System, katulad ng EDCOM II, upang ayusin ang malalaking puwang sa korte at pagpapatupad ng batas.

“We are filing a Judiciary Congressional Commission… parang EDCOM II,” aniya, sabay turo sa “47% conviction rate,” halos “5,000 unserved warrants,” at mga kasong korapsiyon na “umaabot ng 40 taon.”

Binalaan niya na hangga’t hindi “nagpaparusa nang sapat at nang mabilis,” nagiging “voluntary” lamang ang pagsunod sa batas.

Tinukoy pa niya na apat na taon ang average case life ― na aniya’y “masyadong mahaba” ― na nagpapalakas ng impunity at galit ng publiko.

“The judiciary would have to embrace that they have unwittingly helped create the impunity,” pahayag niya. “Dapat talaga ― punish more, punish swiftly. Ngayon kasi, wala namang nakukulong.”

Tungkol sa viral videos ng umano’y maletang may pera, sinabi ng senador na kailangan ang personal at sinumpaang pahayag ni Co. “Kung picture lang, madaling gumawa ng picture,” ani Pangilinan at iginiit na panayam lamang ang tanging paraan para ma-verify ang nilalaman.

Sa huli, sinabi ni Pangilinan na nasa publiko pa rin ang tunay na susi ng pagbabago. “Kung may magiging resulta… it all depends on our people’s commitment,” saad niya.