Calendar
Hindi kailangang buwagin ang DPWH para lang mawala ang korapsiyon -Rep. Momo
NANINIWALA ang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Surigao del Sur 1st District Representative Romeo S. Momo na hindi kailangang buwagin ang nasabing ahensiya para lamang lansagin ang nangyayaring korapsiyon sa loob nito.
Sa ekslosibong panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Momo, Chairman ng House Committee on Public Works, na ang DPWH ang “construction arm” ng ating pamahalaan kung saan hindi lahat ng mga nagta-trabaho sa loob ng DPWH ay nasasangkot sa katiwalian gaya ng flood control issue.
Pagbibigay diin ni Momo na marami parin ang matitinong opisyal at tauhan ang DPWH na hindi kailanman nadawit sa anomang uri ng iregularidad, kung kaya’t ang ipinapanukalang pagbubuwag sa naturang ahensiya ay hindi maganda at tamang direksiyon dahil karamihan aniya ng mga empleyado sa DPWH ay matagal na sa serbisyo.
“Sa totoo lang, hindi lahat ng nagta-trabaho sa DPWH ay sangkot sa katiwalian. Marami parin diyan ang matitino sa DPHW at ang pagbubuwag dito eh’ hindi maganda at tamang direction dahil ang DPWH ay repository ng experience, ang karamihan ng mga nagta-trabaho duon ay matagal na sa departamento at alam na alam na nila ang trabaho nila,” sabi nito.
Sabi pa ng kongresista na maaaring ang pinaghuhugutan ng panukalang pagbubuwag sa DPWH ay ang naging pangyayari sa Bulacan kung saan oara sa kaniya. Ito ay maituturing na “isolated case lamang” o hindi nangyayari sa buong Pilipinas.
Ipinahayag pa ni Momo na hindi lamang dapat tignan ng publiko ang eskandalong kinasasangkutan ng DPWH. Bagkos, dapat din nilang tignan ang mga magagandang bagay na nagwa nito gaya ng pagsasa-ayos ng mga kalsada, pagpapatayo ng mga tulad at iba pang makabuluhang proyektong imprastraktura.
Ayon kay Momo, dapat ay makita ng mamamayan ang mga kapaki-pakinabang na mga proyektong isinakatuparan ng DPWH sa pamamagitan ng mga tulay na nag-uugnay sa bawat probinsiya at mga kalsada na maayos na nadadaanan lalo na sa mga liblib na lugar sa bansa.
“Ang nakikita lang kasi natin eh’ yung nangyayari sa Bulacan which is very isolated or some other places that doesn’t represent the whole Philippines. So sa tingin ko naman, isolated case lang naman ang mga iyan, at sana ay tignan din natin ang magagandang ginawa ng DPWH. Ang tinitignan lang kasi natin ay ang flood control. Pero hindi natin nakikita ang mga nagawa nilang kalsada, tulay at iba pang imprastraktura,” wika pa ni Momo.

