Madrona

Madrona sang-ayon sa pahayag ng CBCP ukol sa mga political rally

Mar Rodriguez Nov 17, 2025
238 Views

SUMASANG-AYON si Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona sa pahayag ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa naging babala nito sa publiko na maging maingat sa pakikilahok sa mga “political rally” laban sa flood control scandal dahil maaaring kinakasangkapan sila ng mga grupong kontra sa administrasyong Marcos, Jr.

Nilinaw ni Madrona na wala naman masama ang lumahok sa mga pagkilos para ipahayag ng mamamayan ang kanilang saloobin o ngitngit laban sa nagaganap na katiwalian sa mga flood control projects. Subalit ang hindi aniya tama ay kung ginagamit na ng ilang grupo ang naturang kilos-protesta para udyukan ang publiko.

Ipinaliwanag ng kongresista na tama ang naging opinyon ng pamunuan ng CBCP na dapat maging maingat ang publiko sapagkat maaaring ang mga kilos-protesta ay isang taktika na lamang ng mga grupong ito sa pamamagitan ng political exploitation na ang layunin sa likod nito ay lalong galitin ang mamamayan na sa kalaunan ay maibagsak ang kasalukuyang pamahalaan.

Dahil dito, pinayuhan ni Madrona ang mamamayan na suriing mabuti ang mga grupong nilalahukan nila para magpahayag ng kanilang saloobin dahil maaaring iba na ang layuning isinusulong ng grupong ito na taliwas naman sa kanilang ipinaglalaban.

Ayon kay Madrona, hindi maikakaila na may mga grupo ang sinasamantala ang pagkakataon o kasalukuyang kaganapan sa pampulitika para mas lalo pang pag-puyusin ang damdamin ng publiko kung saan hindi imposibleng sinusulsulan nila ang mga tao para magalit sa gobyerno.

Nauna nang sinabi ng CBCP na: “We likewise caution against the political exploitationnof these allegations. Especially when released at sensitive moments that may inflame public sentiment or be used to influence political outcomes”.

Samantala, nagsagawa ng pagbisita at pag-iinspeksiyon si Madrona sa Sawang Elementary School at Agnipa National High School (ANHS) upang tignan ang kalagayan ng mga nasabing paaralan na matinding naapektuhan ng mga nagdaang super typhoon.

Naging mainit naman ang pagtanggap ng mga guro at kawani ng paaralan kay Madrona kasabay ng pakikipag-usap nito sa lokal na pamahalaan para sa agarang pagsasa-ayos ng dalawang apektadong paaralan.