Calendar
Gatchalian sa DepEd: siguruhing may sapat na ARAL tutors bago pasukan sa June 8
HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Education na tiyaking sapat ang tutors para sa rollout ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program bago magbukas ang klase sa June 8.
Ayon kay Gatchalian, may ₱8.9-bilyong pondo ang ARAL Program sa ilalim ng 2026 national budget, ngunit hindi sapat ang pondo kung hindi masisiguro ng DepEd ang tutors na tutulong sa mga mag-aaral na makabawi sa learning losses.
“Hindi sapat na may pondo tayo para sa ARAL Program. Kailangang tiyakin ng DepEd na may sapat na tutors na tutulong sa ating mga mag-aaral,” sabi ni Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na inaasahang susuportahan ng programa ang 6.7 milyong learners sa Reading at 8.08 milyong learners sa Mathematics.
Aniya, kailangan ng DepEd ng humigit-kumulang 440,000 tutors para maipatupad nang maayos ang programa.
Binanggit ni Gatchalian ang natukoy ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II na pagkaantala sa hiring ng external tutors dahil sa naantalang guidelines at fund releases.
Sinabi rin niya na hindi naipatupad ang ARAL Summer Program sa mga grade level na walang volunteer tutors, kaya lumitaw ang pangamba kung magiging handa ang full rollout pagsapit ng pasukan.
Ang batas na lumikha sa ARAL Program, ang Republic Act No. 12028, ay naglalayong magbigay ng learning interventions sa mga mag-aaral na nahihirapan sa Reading, Mathematics at Science.
Ayon kay Gatchalian, dapat agarang tugunan ng DepEd ang pangangailangan sa tutors at huwag itong ituring na simpleng usaping administratibo lamang.
Aniya, nakasalalay ang tagumpay ng programa sa aktuwal na pagtanggap ng mga estudyante ng tutoring support sa mga paaralan at komunidad.
“Kung kulang ang tutors, mahihirapan tayong maipatupad nang maayos ang ARAL Program. Dapat maging handa ang DepEd bago magbukas ang klase,” sabi ni Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na nananatiling mahalagang gawain ng education sector ang learning recovery habang naghahanda ang mga paaralan para sa panibagong school year.
Giit ni Gatchalian, kailangang masiguro ng DepEd na nakahanda ang tutors, guidelines at pondo bago magbukas ang klase upang maabot ng ARAL Program ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong sa Reading at Mathematics.
