Senado Ang mga miyembro ng Minority bloc habang naghihintay sa Majority bloc sa plenaryo noong Lunes. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Sen. Raffy: Dapang-dapa na ang Senado sa imahe

24 Views

INIHAYAG ni Senador Raffy Tulfo na nawalan umano ng air-conditioning at internet access ang Senate minority bloc habang naghihintay sa plenary hall sa majority bloc at sa presiding officer sa no-session standoff nitong Lunes.

Sinabi ni Tulfo na nasa Senate floor na ang lahat ng 11 minority senators ay handang magtrabaho, ngunit hindi dumating ang majority bloc para sa 5 p.m. resumption ng sesyon.

“Hindi namin alam na hindi sila sisipot ngayong araw na ito,” sabi ni Tulfo, at idinagdag na halos dalawang oras nang naghihintay ang minority senators.

Sinabi ni Tulfo na ipinakita ng nangyari kung gaano naapektuhan ang imahe ng Senado dahil sa internal standoff.

“Ganoon ba kababaw ‘yung mga nangyari sa Senate? Eh sa ngayon, dapang-dapa na ang Senado sa imahe,” sabi ni Tulfo.

Ayon kay Tulfo, pinatay umano ang air-conditioning at internet sa plenary area habang nasa loob pa ang minority senators.

“Lahat kami, 11, nandoon kami sa floor… Naghintay kami, after more than an hour, all of a sudden biglang uminit… Lahat kami nainitan na, ‘yun pala pinatayan kami. And then gusto naming gamitin ‘yung internet, pinatayan na rin,” sabi ni Tulfo.

Sa isa pang bahagi ng panayam, sinabi rin ni Tulfo na pati air-conditioning sa palikuran ay pinatay umano.

“Pinatayan kami ng aircon, pinatayan kami ng internet, pati yung aircon sa CR, pinatay na rin,” sabi ni Tulfo.

Sinabi niyang walang miyembro ng majority bloc sa floor noong panahong iyon.

“Sa plenary. Wala namang any member of the majority doon kanina. Lahat kami 11, nandun kami sa floor,” sabi ni Tulfo.

Nagdagdag ang alegasyon ng panibagong isyu sa no-session standoff sa Senado, na nagsimula matapos manawagan si Senate President Alan Peter Cayetano sa mga senador na hayaang “go quiet” ang kapulungan bilang paninindigan umano para sa Senate independence kasunod ng pagsuko ni Senador Jose “Jinggoy” Estrada.

Sumuko si Estrada matapos maglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban sa kanya sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y flood-control irregularities.

Sinabi ni Tulfo na wala siyang nakikitang dahilan para tumigil ang trabaho ng Senado dahil sa paghahain ng inilarawan niyang legal na warrant laban sa isang senador.

“Why would we do that? Just because meron isang kasamahan kami na sinusunod lang kung ano yung rule of law, kailangan siya mahuli, i-serve yung warrant?” sabi ni Tulfo.

Sinabi niya na nais ng minority na malaman ng publiko na handa silang magtrabaho.

“Gusto ko ipaalam sa taong bayan na gusto namin magtrabaho. Kami ay niluklok sa aming puwesto, Senado, para magtrabaho,” sabi ni Tulfo.

Nauna nang tinanggihan ng Solid Bloc 11 ang Senate-independence argument ni Cayetano at tinawag na “boycott of duty” ang hindi pagbubukas ng sesyon, habang sinabing naroroon ang lahat ng 11 minority senators para sa 5 p.m. resumption ngunit ang mayorya na pinamumunuan ni Cayetano ay “chose not to show up.”

Ayon sa bloc, naiwan ding nakabinbin ang Magna Carta of Barangay Health Workers, Anti-Hospital Detention Bill, kumpirmasyon ng mga heneral sa Commission on Appointments, at mga panukalang nagkakaloob ng Philippine citizenship kina Bennie Boatwright III at Matthew James Ramos.

Sinabi rin ni Tulfo na iginagalang niya si Estrada sa mapayapang pagsuko nito sa mga awtoridad.

Kung walang pormal na pagbubukas ng sesyon, presiding officer at quorum, hindi makakakilos ang Senado sa mga nakabinbing usapin, kabilang ang panukalang pagbabago sa rules sa remote participation at online voting.

Sa ilalim ng rules ng Senado, kailangan ang mayorya ng lahat ng senador para magkaroon ng quorum. Sa 24-miyembrong Senado, kailangang naroroon ang hindi bababa sa 13 senador bago makakilos nang balido ang kapulungan sa mga nakabinbing usapin.