Calendar
Gatchalian sa LTFRB: Mabilis na pamamahagi ng Pantawid Pasada siguruhin
INUDYUKAN ni Senador Sherwin Gatchalian ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na siguraduhin na mapapabilis na ang ang pamamahagi ng fuel subsidies sa mga target na benepisyaryo sa public transport sector.
Ang panawagang ito ni Gatchalian ay kaugnay sa kanyang planong pagsulong ng ikatlong yugto ng pagbibigay ayuda sa sektor ng pampublikong transportasyon na nalulugmok sa epekto ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
“Marami na ang tumitigil sa pamamasada at nawalan ng hanapbuhay ang maraming PUV drivers. Ang susi dito ay ang mabilis na pamimigay ng ayuda sa kanila,” sabi ng Senate Energy Committee Chairperson sa mga kinatawan ng LTFRB noong nakaraang consultative meeting sa Senado kung saan pinag-usapan ang mga posibleng hakbang para matugunan ang mataas na presyo ng langis.
Nais ni Gatchalian na ipamigay na ang ikatlong bahagi ng Pantawid Pasada Program na nagkakahalaga ng P3,000 kada buwan para sa susunod na limang buwan.
Ang unang yugto ng fuel subsidy para sa mga driver at operator ng public utility vehicles na dapat sana ay natapos nang ipamigay noong ikalawang linggo ng Mayo ay nabahiran pa ng pagkaantala dahil sa kakulangan ng database ng mga benepisyaryo.
Sa nasabing consultative meeting sa Senado, sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra kay Gatchalian na nakumpleto na nila ang database ng mga kwalipikado at lehitimong franchise holders nitong buwan lamang matapos isumite ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang listahan ng mga kwalipikadong tricycle driver.
Noong Hunyo 16, umabot na sa 88% o 232,586 ang kabuuang bilang ng mga naipamahaging subsidiya at ang natitirang 31,992 ay ipinangako ng Landbank na ire-remit sa mga account holders sa ikatlong linggo ng buwan.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangan ng pagkakaroon ng sistema ng pamamahagi ng ayuda upang magarantiya ang maagap at tamang paglilipat ng pera, pati na rin ang accessibility sa anumang pinansyal na tulong mula sa gobyerno.
Ang mga kwalipikadong PUV driver-beneficiaries ay tumatanggap ng kanilang ayuda sa pamamagitan ng kanilang Pantawid Pasada cash card habang ang mga hindi cardholder ay binigyan ng cash card sa mga itinalagang sangay ng Landbank na tinukoy ng LTFRB.