OVP Nagpasalamat si Atty. Zuleika Lopez, Chief of Staff ng Office of the Vice-President, sa mga miyembro ng Senate Committee on Finance na pinamumunuan ni Sen. JV Ejercito, Senators Bong Go at Imee Marcos matapos mabilis na inindorso sa plenaryo ang panukalang badyet ng OVP na P785 million para sa taong 2027 nitong Oktobre 20, 2026. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Gatchalian sa pagdinig sa OVP budget: Nasaan si VP Sara?

99 Views

OVP1HINANAP ni Senate President Sherwin Gatchalian si Vice President Sara Duterte nitong Martes nang hindi ito dumalo sa pagdinig ng Senado sa panukalang P785.2-milyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2027.

“Traditionally kasi pag ganitong budget deliberation the head of office comes here to defend their budget. Alam mo naman yan, you’ve been here for the last four years,” ani Gatchalian kay OVP chief of staff Zuleika Lopez.

Binalikan ni Gatchalian na noong nakaraang taon, nang siya pa ang chairman ng Senate finance committee, personal na dumalo ang Bise Presidente para ipagtanggol ang budget ng kanyang tanggapan.

“So may I know for the record kung nasaan ang ating butihing Vice President?” tanong niya.

Ayon kay Lopez, nasa Davao City ang Bise Presidente bilang kinatawan ng dating Pangulo sa inurnment o paglalagak ng abo ng isang matagal nang city planner ng lungsod. “So the schedule for the inurnment is today, October 20. So she’s the representative of the former president,” aniya.

Nang tanungin ni Gatchalian kung nasa loob o labas ito ng bansa, sagot ni Lopez: “Just in the country.”

“We hope sa plenary we would welcome her presence to further defend her budget. This is the first step. Alam mo naman yan may second step pa tayo which is plenary,” ani Gatchalian.

Nasa P785.204 milyon ang panukalang budget ng OVP para sa 2027, mas mababa nang P104.032 milyon o 11.7 porsiyento kumpara sa P889.236 milyon ngayong 2026.

Hiniling ni Sen. Imee Marcos na ibigay sa OVP ang “traditional courtesy” na ipinagkakaloob sa mga executive office at sa Kamara. Tinanong din niya kung anong mga programa ang tatamaan ng bawas.

Ayon sa OVP, bunga ito ng recalibration ng mga programa. Binawasan daw ang target na benepisyaryo ng Magnegosyo Ta ‘Day habang tinututukan ang monitoring at evaluation nito. Malapit na rin umanong maabot ng Pagbabago campaign ang target nitong isang milyong mag-aaral.

Nag-mosyon si Marcos na i-endorso sa plenaryo ang budget ng OVP. Nagpahayag din ng suporta si Sen. Bong Go. “Inihalal siya para maging working VP para maglingkod at tumugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan,” ani Go.

Ayon kay Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito, chairman ng Senate finance committee, isa ang OVP sa iilang tanggapang mas mababa ang hiniling na budget, tulad ng Senado na bumaba nang P1 bilyon.

Inendorso umano sa plenaryo ang budget ng OVP.

Nagaganap ang pagdinig habang nililitis si Duterte ng Senado bilang impeachment court. Kabilang umano sa mga alegasyon laban sa kanya ang katiwalian sa Department of Education noong siya ang kalihim nito at hindi maipaliwanag na yaman. Itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon.