Calendar
Pagtaas ng pondo ng AFP modernization aprub kay Ejercito
HANDANG itaas ng Senado sa P70 bilyon mula P50 bilyon ang pondo para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa 2027 budget kung kakayanin, ayon kay Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito.
Ito ang minimum na kailangan ng Department of National Defense (DND), ayon sa kagawaran.
“So do you confirm, Secretary, na ang 70, yan ang ating target na minimum, at least minimum, kung kaya nating taasan, bakit hindi?” tanong ni Ejercito kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Ayon kay Teodoro, kailangan ang halagang ito para masimulan ng DND ang mga kailangang bayaran ngayong taon.
“Kasi magkakaroon kami ng window of repayment comfort na hindi mapapahiya ang ating bansa kung mag-trigger po tayo,” aniya.
Nasa P50 bilyon lang ang nakalaan para sa AFP modernization sa 2027 National Expenditure Program (NEP), ang panukalang budget ng ehekutibo. Malayo ito sa mahigit P130 bilyong hiniling ng DND.
Sinabi ni Teodoro na hindi bababa sa P70 bilyon ang kailangan para sa Horizon 3, ang ikatlong yugto ng AFP modernization program.
Kung papasukin aniya ang lahat ng proyekto, kakailanganin ng dagdag na P20 bilyon sa P50 bilyon para lang mabayaran ang mga multi-year na kontrata.
Ayon kay Ejercito, P576.922 bilyon ang orihinal na hiniling ng DND para sa regular na budget nito, pero P328.783 bilyon lang ang naisama sa NEP. Katumbas ito ng humigit-kumulang 43 porsiyentong bawas.
Hiniling ni Ejercito sa DND ang tatlong pinakamahalagang pangangailangan nito na dapat unahin ng Senado. Dahil sa limitadong fiscal space, humihingi raw sila sa mga ahensiya ng wish list na nakaayos ayon sa prayoridad.
Isusumite ito ng DND nang pribado sa Senado “so that our needs will not be publicly articulated and to preserve our operational security,” ani Teodoro.
Sa simula ng pagdinig, hiningan din ni Ejercito ang DND ng ulat kung magkano na ang nailabas, na-obligate at nagastos sa P90 bilyong pondo ng AFP modernization ngayong 2026.
