Pic3 Masusing iniinspeksyon ang mga sasakyan na pumapasok sa Senado matapos ang pinaigting na security measures dahil sa mga bantang natanggap ng institusyon. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Gatchalian: Seguridad sa Senado hinigpitan upang masiguro kaligtasan ng mga kawani

65 Views

SINABI ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian na hinigpitan ng Senado ang seguridad upang protektahan ang mga kawani, senador at miyembro ng media habang iginiit niya ang kanyang operational control sa kapulungan at ipinagpatuloy ang paghahanda para sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na ipinatupad ang mga hakbang matapos makatanggap ang Senado ng impormasyon tungkol sa posibleng banta sa seguridad. Aniya, inatasan niya ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms na makipag-ugnayan sa mga intelligence agency, kabilang ang National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at National Intelligence Coordinating Agency, upang beripikahin ang impormasyon.

“We have to take this seriously dahil ang aking pinaka-priority ay safety,” sabi ni Gatchalian.

Nagpatupad ang Senado ng work-from-home arrangement para sa karamihan ng mga empleyado, nilimitahan ang pagpasok sa essential at authorized personnel, pansamantalang ipinagbawal ang mga bisita, hinigpitan ang inspeksyon sa mga sasakyang pumapasok sa compound at nagdagdag ng security personnel.

Iginiit ni Gatchalian na hindi ginawa ang arrangement para paboran o hadlangan ang alinmang grupo sa Senado.

“Wala tayong tinitignan kung majority, minority or Senate employee. Ang importante naman dito may coordination as well as valid grounds to come in,” sabi niya.

Sinabi niya na kumikilos ang Senado nang may “abundance of caution” matapos magpahayag ng pangamba ang ilang empleyado dahil sa mga naunang insidente sa loob ng kapulungan.

Binigyang-diin ni Gatchalian na prayoridad niya ang kapakanan ng halos 2,000 kawani ng Senado, 24 senador at mga miyembro ng media na nagko-cover sa institusyon.

“Bilang acting Senate President, I have to do what I have to do to protect the institution and to protect the employees,” sabi niya.

Binanggit din ni Gatchalian ang operational control sa Senado bilang patunay na nagpapatuloy ang operasyon ng institusyon sa ilalim ng kanyang pamumuno. Aniya, natapos na ng Land Bank ang paglilipat ng signatures kaya maaari na siyang pumirma ng tseke at mag-isyu ng mga dokumentong kailangan para sa mga account ng Senado, kabilang ang may kaugnayan sa suweldo.

Sinabi niya na hindi dapat maputol ang operasyon ng Senado sa kabila ng umiiral na leadership dispute.

“Since tayo ang Senate President pro tempore and designated acting Senate President, gagampanan na natin yung ating trabaho. At sisiguraduhin natin na hindi mapuputol ang operations ng Senado,” sabi ni Gatchalian.

Kasabay nito, sinabi ni Gatchalian na tuloy ang paghahanda para sa impeachment proceedings laban kay Duterte.

Sinabi ni Gatchalian na napirmahan na ang notice para sa June 18 pre-trial conference at naipadala na ito sa prosecution at defense. Inaasahang magsusumite ang magkabilang panig ng kanilang pre-trial briefs, kabilang ang listahan ng mga testigo, ebidensya at mga isyung tatalakayin.

“I signed the notice for pre-trial. Pinadala na namin yan both to the defense and the prosecution team,” sabi ni Gatchalian.

Sinabi rin niya na nakipagpulong na siya sa internal impeachment team ng Senado upang matiyak na maayos ang paghahanda.

“So na-meet ko na rin yung ginawang impeachment internal team para to make sure that the preparations are in order at tuloy-tuloy yung ating preparations for the impeachment,” sabi niya.

Nilinaw din ni Gatchalian na hindi ibinababa ng quorum position na ginamit noong June 3 session ang voting threshold para sa conviction sa impeachment case.

Aniya, malinaw sa Konstitusyon na kailangan ang boto ng two-thirds ng lahat ng senador upang ma-convict sa impeachment trial, o 16 sa 24 senador.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang Avellino doctrine ay binanggit lamang kaugnay ng quorum na kailangan upang makapagsagawa ng Senate business, at hindi upang bawasan ang constitutional vote na kailangan para sa conviction.