Calendar
Walang sensitibong data na nakompromiso sa website defacement ng Senado
KINUMPIRMA ng Senado nitong Huwebes na ang website nito ay sumailalim kamakailan sa unauthorized modification o website defacement, matapos hindi ma-access ang site at magpakita ng maintenance notice.
Sa pahayag, sinabi ng Senate EDP-MIS na agad na ipinatupad ng technical team ang security protocols, nakontrol ang insidente at nagsimula ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang sanhi at lawak ng unauthorized activity.
“Based on our initial assessment, there is no indication that any confidential or sensitive information has been compromised,” ayon sa Senate EDP-MIS.
Sinabi ng tanggapan na pangunahing naglalaman ang Senate website ng publicly available documents at informational materials na para sa public access.
Inilabas ang pahayag matapos magpakita ang isang Facebook page na gumagamit ng pangalang Nullsec Philippines ng umano’y claim na may kinalaman sa unauthorized post sa website ng Senado. Nauna nang ipinakita sa screenshot ng senate.gov.ph ang mensaheng, “The website is under maintenance. Please check back later.”
Ayon sa Senate EDP-MIS, nagpapatupad na rin ng karagdagang security measures upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
“We assure the public that protecting the integrity and availability of our systems remains a top priority,” ayon sa pahayag.
Sinabi ng tanggapan na patuloy nitong babantayan ang sitwasyon at magbibigay ng update kung kinakailangan.

