Calendar
Gatchalian: Senado sinusuri security, logistics para sa impeachment trial
SINABI ni Senate President Sherwin Gatchalian na sinusuri ng Senado ang security at logistics arrangements para sa impeachment proceedings, dahil sa limitadong espasyo, public access requirements at pangangailangang makipag-coordinate sa ilang law enforcement agencies.
Ayon kay Gatchalian, lingguhan ang magiging pagsusuri ng Senado sa security preparations habang nakikipag-coordinate ito sa Office of the Sergeant-at-Arms, Philippine National Police at iba pang ahensiya.
“We will request the chairman or the committee secretaries to submit the guest list ahead of time,” sinabi ni Gatchalian sa isang press briefing.
“But we will also, plano namin ni Sgt. At Arms every end of the week, tomorrow actually, we’ll have a security briefing with the PNP and other agencies para malaman namin ang status for the next week. So we’ll take this week by week,” dagdag niya.
Sinabi ni Gatchalian na espasyo ang pinakamalaking hamon ng Senado sa paghahanda para sa impeachment proceedings.
“That is the biggest challenge, the logistics portion kasi maliit ang Senado. Ang pinaka problema natin dito, space,” sinabi niya.
Ayon kay Gatchalian, kakailanganin sa proceedings ang mga lugar para sa defense panel, media, staff at mga senador, habang isinasaalang-alang din ng Senado ang public access at security controls.
“The movements will be very difficult, the space will be very difficult. But we’ll try our best to accommodate everyone. Ang importante naman safe, maayos at orderly conduct ng impeachment,” sinabi niya.
Sinabi ni Gatchalian na ilang ahensiya na ang kasama sa security coordination, kabilang ang MMDA, Pasay local government, NICA, PNP, AFP at BFP.
“So we have to make sure na covered ang security aspect ng impeachment proceedings,” sinabi niya.
Ayon kay Gatchalian, pinag-aaralan din ng Senado kung paano sisiguruhin ang seguridad sa mga access point, kabilang ang mga lugar na wala pang kaparehong screening equipment tulad ng nasa main entrance.
“May X-ray machines, metal detector at may registration ng guest. Sa likod wala,” sinabi ni Gatchalian.
“So we’re studying kung how to secure that area. So for now close siya. Tinitingnan namin kung kayang maglagay ng metal detectors and X-ray para lahat na dumadaan doon may dadaan sa same security protocols,” dagdag niya.
Sinabi ni Gatchalian na kailangan ang mahigpit na security checks dahil haharap ang Senado sa sensitibong mga usapin.
Ayon sa kanya, makatutulong ang pre-trial conference upang matukoy ang impeachment schedule, kabilang ang posibleng haba ng proceedings, ang mga testigong ihaharap at ang ebidensiyang ipiprisinta.
“In pre-trial conference kasi we narrow down also the time. So gaano kahaba. And then it will narrow down also the day itself kung sinong testigo ang ipapresenta, anong evidence ang ipapresenta,” sinabi niya.
Nang tanungin tungkol sa posibleng legal at security questions na may kaugnayan sa mga senador, sinabi ni Gatchalian na ayaw niyang magsalita nang maaga nang walang kumpletong impormasyon at payo mula sa Senate legal team.
“Ayaw kong magsalita in advance kung wala pang information. Mahirap. The situations vary,” sinabi niya.
Aniya, gagabayan ang Senado ng naging practice noon at ng legal advice.
“So kung ano yung naging practice in the past? And ano ang legal practice in the past? Yan ang susundan natin,” sinabi ni Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na kailangang matiyak ng Senado na magiging ligtas, maayos at properly coordinated ang impeachment proceedings habang ipinagpapatuloy nito ang legislative work.

