Sara

Pre-trial conference sa impeachment case ni VP Sara sinimulan ng Senate impeachment court

21 Views

PORMAL na sinimulan ng Senate impeachment court nitong Huwebes ang pre-trial conference para sa impeachment case laban kay Vice President Sara Z. Duterte, kung saan humarap ang mga kinatawan ng House prosecution panel at defense team sa mga opisyal ng korte bago ang nakatakdang paglilitis.

Pinangunahan ni Senate Secretary at Clerk of Court Renato Bantug Jr. ang preliminary meeting, kasama sina Deputy Clerks of Court Atty. Marivic Laurel-Garcia at Atty. Maria Valentina Cruz.

Dumalo sa conference ang prosecution panel mula sa House of Representatives na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro.

Dumalo rin ang defense team na pinangungunahan ni Atty. Michael Poa, na kumakatawan kay Vice President Duterte.

Ang pre-trial conference ay nagsisilbing paunang pagtitipon ng dalawang panig bago pormal na umusad ang impeachment trial sa harap ng mga senator-judges.

Inaasahang tatalakayin sa conference ang mga procedural matter, kabilang ang posibleng stipulations, ebidensiya, testigo, documentary submissions at mga isyung maaaring pasimplehin bago magsimula ang trial.

Idinaos ang conference matapos isumite ng House prosecution panel at ng defense team ni Vice President Duterte ang kani-kanilang pre-trial briefs sa Senate impeachment court noong June 15.

Inaasahang maghaharap ang prosecution ng ebidensiya at mga testigo upang suportahan ang Articles of Impeachment na ipinadala ng House of Representatives.

Inaasahan naman na kokontrahin ng defense ang mga alegasyon at ilalatag ang panig ni Vice President Duterte sa impeachment court.

Kabilang sa impeachment case laban kay Vice President Duterte ang mga alegasyong may kaugnayan sa pondo ng bayan, unexplained wealth at pagbabanta umano laban kay President Ferdinand Marcos Jr. at iba pang opisyal.

Idinaos ang pre-trial conference habang naghahanda ang Senado para sa impeachment trial na nakatakdang magsimula sa July 6.

Sa pagbubukas ng trial, uupo ang mga senador bilang judges at diringgin ang kasong ilalatag ng prosecution at defense.

Sa ilalim ng Konstitusyon, kailangan ang boto ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado upang magkaroon ng conviction sa impeachment case.

Kapag na-convict, maaaring matanggal sa puwesto at madiskuwalipika sa paghawak ng public office. Kapag na-acquit, mananatili si Vice President Duterte sa puwesto.

Inaayos na rin ng Senado ang mga pasilidad at seguridad na kailangan para sa proceedings, kabilang ang mga lugar para sa prosecution at defense panels at accommodations para sa media na magko-cover ng trial.

Ang June 18 pre-trial conference ang unang pormal na hakbang bago ang nakatakdang impeachment trial, kung saan mabibigyan ang prosecution at defense ng pagkakataong ihanda ang mga isyu, ebidensiya at testigo para sa proceedings.