Gatchalian sisikaping maibalik P9.5B tinapyas ng Kamara sa disaster fund

20 Views

SISIKAPIN ng Senado na maibalik ang P9.5 bilyong tinapyas ng Kamara sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) para sa 2027 dahil kakailanganin ng gobyerno ang standby fund sa harap ng super El Niño at pagtaas ng presyo, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

“So yan ang isang bagay na we will work here in the Senate na mabalik, ma-restore ang NEP level ng NDRRM fund dahil nakikita ko in the next 12 months talagang kakailanganin natin ng standby fund for the support to our constituents,” ani Gatchalian.

Ang NDRRMF ang pinagkukunan ng pondo kapag nire-replenish ang Quick Response Fund ng mga ahensiya gaya ng DSWD, na ginagamit sa food packs at emergency cash assistance tuwing may sakuna.

Ayon kay Gatchalian, P3 bilyon ang Quick Response Fund ng DSWD ngayong 2026 pero umabot na sa humigit-kumulang P13 bilyon ang replenishment hanggang Setyembre.

Tinukoy niya ang tinawag niyang “triple whammy” na kinakaharap ng bansa: ang kaguluhan sa Iran, ang pagtaas ng presyo ng langis at inflation, at ang El Niño.

Nagbabala rin si Gatchalian na kulang ang 4.6 milyong target na benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) sa 2027.

“So hindi siya responsive to the situation in the next 6 to 12 months,” dagdag niya.

Sumang-ayon si DSWD Secretary Rex Gatchalian na kailangang maibalik ang pondo. Aniya, mahihirapang tumugon sa anumang krisis ang lahat ng ahensiyang umaasa sa NDRRMF kung mababawasan ito.

Humiling din ang kalihim na maibalik man lamang ang AICS sa P63.9 bilyon, kapareho ng antas ngayong 2026.

Ayon sa Department of Budget and Management, P45.67 bilyon ang panukalang NDRRMF para sa 2027 sa National Expenditure Program.