Pondo ng railway, foreign-assisted projects na tinapyas ng Kamara balak ibalik ni Ejercito

21 Views

BALAK ibalik ng Senado ang pondo ng foreign-assisted projects, kabilang ang malalaking railway project, matapos apyasan ng Kamara ng humigit-kumulang P130 bilyon sa 2027 budget, ayon kay Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito.

“These are obligations,” ani Ejercito sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Budget and Management noong Huwebes.

Kabilang sa maaapektuhan dahil sa budget cut ang North-South Commuter Railway at Metro Manila Subway na pinopondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at Asian Development Bank (ADB), gayundin ang Bataan-Cavite Interlink Bridge at ang coastal highway sa Laguna Lake.

Nagbabayad ang gobyerno ng commitment fees kapag naaantala ang mga proyektong ito, ayon sa senador. Aniya, P250 milyon ang naibayad noong nakaraang taon dahil sa sariling pagkaantala ng bansa.

“So under my watch, that will not happen. I will make sure it will be lodged under the program appropriations,” sabi ng senador.

Sinabi ng mga kinatawan ng Kamara na kinonsulta nila ang Department of Transportation at Department of Public Works and Highways at hindi raw kailangan ang ganoon kalaking halaga.

Ikinabahala rin ng senador ang tinanggal na humigit-kumulang P4.4 bilyon sa Health Facilities Enhancement Program, at ang tinatayang P4 bilyon sa immunization program at P2 bilyon sa health promotion.

“I am worried about this and I am concerned because we need to strengthen primary care under the UHC law,” ani Ejercito.