Kamara

‘Ghosting’ sa DepEd SHS Voucher Program pinaiimbestigahan sa Kamara

14 Views

HINIMOK ni House Assistant Majority Leader Jil Bongalon ng Ako Bicol Party-list ang House Committees on Basic Education and Culture at Good Government and Public Accountability na magsagawa ng joint motu proprio investigation kaugnay sa umano’y mga “ghost beneficiaries” sa Senior High School (SHS) voucher program ng Department of Education (DepEd).

Binanggit ni Bongalon ang mga ulat na may mga pribadong paaralan na naglilista ng mga non-existent student simula pa noong 2016, kaya’t kinakailangan ng agarang aksyon ng Kongreso upang mapanatili ang kredibilidad ng programa.

“Hindi lang pera ng bayan ang nawawala, pati tiwala ng mga tao sa ating sistema ng edukasyon ay nasisira,” ani Bongalon.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na milyon-milyong piso mula sa education program ang napunta sa mga pekeng benepisyaryo, na salungat sa layunin ng SHS voucher program na maibsan ang pagsisikip sa pampublikong paaralan at matulungan ang lehitimong mga mag-aaral.

Ipinunto ni Bongalon na nagsimula ang modus na ito noong 2016 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at nagpatuloy sa pamumuno ni dating DepEd Secretary at kasalukuyang Vice President Sara Duterte.

Sa ilalim ng pamamahala ni Vice President Duterte, lumitaw ang mga pangamba na ang kakulangan sa mahigpit na regulasyon at mahinang pagbabantay ay nagbigay-daan sa pagpapatuloy ng anomalya, kung saan binabatikos siya ng mga kritiko sa umano’y kakulangan ng aksyon na maaaring nagbigay-puwang sa mga mapanlinlang na indibidwal na manipulahin ang sistema.

“Ilang taon na pala ang ghosting modus na ito, pero bakit parang napabayaan na lang na magpatuloy? Kailangan nating silipin kung nasaan ang butas at sino ang dapat managot,” giit ng mambabatas, na binigyang-diin na ang patuloy na kawalan ng aksyon ay maaaring makasira sa kasalukuyang pagsisikap na palakasin ang voucher program.

AMINADAsi Bongalon na kahit nagsimula na ang DepEd, sa ilalim ni Secretary Sonny Angara, ng imbestigasyon sa 12 pribadong paaralan dahil sa umano’y pekeng enrollees na posibleng nagdulot ng ₱52 milyong pinsala sa gobyerno noong 2023–2024, kailangan pa rin ng hiwalay na pagsisiyasat ng Kongreso upang mapagtibay ang seguridad ng programa.

Bagaman pinupuri ni Bongalon ang matibay na paninindigan ni Angara sa paglaban sa isyu, iginiit niyang kinakailangan ang isang House inquiry upang matiyak ang pananagutan hindi lamang ng mga may-ari ng paaralan kundi pati na rin ng mga opisyal ng DepEd na maaaring nagpabaya o nag-abuso sa kanilang tungkulin.

Ipinaliwanag niyang ang imbestigasyon ng Kongreso ay magiging katuwang ng pagsisiyasat ng DepEd, na magbibigay-daan sa mga House committee na ipatawag hindi lamang ang mga administrador ng paaralan kundi pati na rin ang kasalukuyan at dating mga opisyal ng tanggapan.

Kumpiyansa siyang ang sabayang imbestigasyon ay makakasiguro na lahat ng aspeto ng kontrobersiya ay matutunton at maiiwasan ang anumang pagtatakip sa anomalya.

“Mas mabuti kung may masusing imbestigasyon mula sa lehislatura para malaman natin ang lahat ng anggulo, pati na rin ang role ng mga opisyal na dapat sana’y nagbabantay sa programang ito,” ani Bongalon, at dagdag pa niya, “Kapag sabay-sabay ang aksyon ng DepEd at Kongreso, walang lusot ang mga mandaraya.”

Itinatag ang SHS voucher program upang maibsan ang pagsisikip sa mga pampublikong paaralan at palawakin ang oportunidad sa edukasyon, sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga kuwalipikadong mag-aaral na pipiliing mag-enrol sa mga pribadong senior high school.

Sa prinsipyo, nakikinabang ang parehong sektor sa sistemang ito: nababawasan ang pagsisikip sa mga pampublikong paaralan, habang ang mga pribadong institusyon ay nakatatanggap ng mga estudyanteng may dalang subsidiya mula sa gobyerno, na nakatutulong sa kanilang financial stability.

Maraming magulang ang pabor sa programa dahil nagbibigay ito ng mas maliit na bilang ng estudyante sa bawat guro at mga kursong naaayon sa karerang nais tahakin ng kanilang mga anak.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Bongalon na kailangang tiyakin ang mahigpit na pagbabantay sa voucher system upang matiyak na bawat benepisyaryo ay isang tunay na estudyanteng naka-enroll sa aktwal na programa.

Babala niya, ang mga pekeng entry ay bumabaluktot sa datos at nagiging sanhi ng maling paglalaan ng pondong dapat ay para sa mga tunay na nangangailangang mag-aaral.

“Ang SHS voucher program ay magandang programa, pero kung madaraya ito, nasasayang ang budget,” giit ni Bongalon, na binigyang-diin na anumang depekto sa pagpapatupad nito ay nag-aalis ng oportunidad sa mga kuwalipikadong estudyante.

Bukod sa mga anomalya sa SHS voucher, sinabi ni Bongalon na may lumalabas na mas malawak na pattern ng “ghosting” sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.

“Remember retired police officer Arturo Lascañas’ testimony in 2017, where he revealed that funds for supposed ‘ghost employees’ in Davao City—during Rodrigo Duterte’s mayoral tenure—were used for clandestine operations? Aba, di pa man uso ang terminong ‘ghosting,’ mukhang may mahilig na gawin ito,” puna ni Bongalon.

“Mukhang pareho lang ang modus, lumilipat lang sa ibang opisina. Noon ghost employees, ngayon ghost students. Dapat imbestigahan kung totoo bang may pattern,” dagdag niya.

Umaasa si Bongalon na ang isang hiwalay na imbestigasyon ng Kongreso ay magsusuri nang masinsinan sa iskandalo ng mga “ghost beneficiaries,” kabilang ang mas malalim na pagsisiyasat sa posibleng kapabayaan sa ilalim ng panunungkulan ni dating Education Secretary Duterte.

“Hindi biro ang pinag-uusapan dito—pondo ito ng bayan na dapat sana’y para sa edukasyon. Kung hahayaan lang nating tuluyang mamayagpag ang mga gumagawa ng katiwalian, sino pa ang sasandalan ng mga estudyanteng tunay na nangangailangan?” tanong ni Bongalon.