Calendar
Ginagawa lang ang sinumpaang tungkulin: Speaker Romualdez hindi pinipersonal si Teves
TAHASANG sinabi ni House Soeaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na Hindi umano personal kundi tinutupad lamang nia kabilang na ang mga miyembro ng Kamara de Representantes ang tungkulin nito ng muling suspendihin si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. na nagtatago at humingi ng political asylum sa ibang bansa.
“Hindi natin papayagan na sirain ninuman ang integridad ng Kongreso. Walang personalan dito. Ginagawa lamang natin ang sinumpaan nating tungkulin at pangako sa sambayanan,” sabi ni Speaker Romualdez sa kaniyang talumpati bago ang sine die adjournment ng Kongreso.
Ipinaalala din ni Speaker Romualdez na bilang kinatawan ay may pananagutan sila sa mga Pilipino na gampananan ang kanilang mandato na maglingkod na may integridad at buong katapatan.
Kabilang aniya rito ang pagsunod sa Code of Conduct, Rules of the House at Rules of the Committee.
Ang pagtalima sa mga panuntunan na ito ay sumasalamin sa kredibilidad ng institusyon.
“I would like to reiterate that as members of this House, we must be accountable to the people at all times and perform our legislative mandates with utmost competence, efficiency, effectiveness, integrity and fidelity to the people’s welfare – nothing less. Let this be a reminder to all of us,” saad ng House leader.
Marso ng unang dinggin ng House Committee on Ethics and Privileges ang pagkabigo ni Teves na umuwi sa Pilipinas kahit expired na ang travel authority na ibinigay sa kanya ng Kamara de Representantes.
Si Teves ay iniuugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo na kilalang kalaban nito sa politika at tumalo sa kanyang kapatid na si Henry Pryde sa 2022 elections.
Inirekomenda ng Ethics committee na patawan si Teves ng 60-araw na suspensyon at pinagtibay ito ng mga miyembro ng Kamara.
Nagtapos ang suspensyon noong Mayo 22 subalit nanatili pa rin si Teves sa ibang bansa at naghain pa ng aplikasyon para sa political asylum sa Timor-Leste.
Dahil dito, muling nagsagawa ng pagdinig ang Ethics committee na nagrekomenda na muling patawan si Teves ng 60-araw na suspensyon at alisan ng membership sa lahat ng komite.
Walang tumutol sa muling pagpapataw ng parusa kay Teves na sinang-ayunan ng 285 kongresista.