Calendar

Ginang inutas matapos magpa-blotter
DEDO ang 64-anyos na negosyanteng babae nang pagbabarilin matapos magpa-blotter sa barangay hinggil sa ginagawang pagbabanta sa kanyang buhay ng dalawang lalaki noong Biyernes sa Taguig City.
Isinugod pa nina P/Capt. Benedict Balas, commander ng Taguig Police Substation 2, ang biktimang si alyas Letecia sa Taguig-Pateros District Hospital subalit idineklarang patay na sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Manuel Abrugena, naganap ang pamamaslang dakong alas-11:10 ng umaga pagkagaling ng biktima sa barangay hall ng Brgy. Western Bicutan upang muling magpa-blotter dahil sa panibagong pagbabantang natanggap.
Lumabas sa imbestigasyon na noong Huwebes isa pang banta na galing sa isang alyas “Kash Singh” ang natanggap ng biktima kaya’t ipinasiya niyang muling magtungo sa barangay upang ipa-blotter ang panibagong pagbabanta.
Isinulat ng biktima sa blotter ng barangay ang sinabi umano sa kanya ni Kash Sing na: “Bakit ka nagpabarangay, sumosobra ka na, sige humanda ka may pagkakalagyan ka.”
Matapos magpa-blotter, pauwi na ang biktima nang salubungin siya ng hindi pa kilalang suspek at pagbabarilin na sanhi ng kanyang pagkamatay.