Ginang, patay sa pamamaril

278 Views

PATAY ang isang ginang na dati ng nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sa labas ng bahay ng kanyang kapatid sa Quezon City, nitong Pebrero 7 ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Erma Martinez, 52, labandera, residente ng Bgy. Payatas, na tumamo ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo, tiyan, at likod.

Agad namang tumakas ang dalawang lalaki nang matiyak na patay ang kanilang pakay na biktima.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), bandang alas 11:00 ng gabi, Pebrero 7 nang maganap ang krimen sa labas ng bahay ng kapatid ni Martinez, na si Jocelyn sa nasabing barangay.

Sa salaysay ni Jocelyn sa pulisya, nagtungo sa kanyang bahay ang kanyang kapatid at pilit na nanghihiram ng charger ng radyo.

Pagtalikod umano niya upang kunin ang charger ay bigla na lamang siyang nakarinig ng tatlong putok ng baril at sa paglabas niya ng bahay ay nakita umano niyang duguan nang nakahandusay ang kapatid.

Ayon kay Jocelyn, wala umano siyang nalalamang dahilan o motibo para patayin ang kanyang kapatid, na suma-sideline lamang bilang labandera.

Lumitaw naman sa imbestigasyon ng mga pulis na si Martinez ay dati nang nakulong sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng nangyaring krimen upang makilala ang mga salarin.

Ni Melnie Ragasa-Jimena