Calendar
![Magsino](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Magsino-4.jpg)
Ginawang aksiyon ng DMW para sa kapakanan ng mga OFWs, ikinagalako
NAGPAHAYAG ng kagalakan si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino sa naging akisyon ng Department of Migrant Workers (DMW) patungkol sa pagpapalawak ng “job opportunities” at pagkakaroon ng proteksiyon para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Nauna rito, naging matagumpay ang isinagawang bilateral meeting sa pagitan ng DMW at iba’t-ibang bansa kaugnay sa idinaos na Global Labor Market Conference sa Riyadh, Saudi Arabia.
Dahil dito, sinabi ni Magsino na ang hakbang ng DMW ay alinsunod sa ibinigay na direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang lalo pang palakasin at pagtibayin ang bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at ibang bansa para maprotektahan ang karapatan at kagalingan ng mga OFWs.
Pinasalamatan din ng kongresista ang Pangulong Marcos, Jr. dahil sa pagsisikap ng pamahalaan para mapangalagaan ang karapatan, interes at kagalingan o welfare ng mga OFWs sa harap ng mga nagaganap na pang-aabuso laban sa mga OFWs sa abroad.
Samantala, nabatid kay Magsino na nakatakdang idaos ngayong Lunes (Pebrero 10) ang “OFW LOVE DAY” na pangungunahan ng OFW Party List bilang pagkilala at pagbibigay pugay sa napakalaking sakripisyong nai-aambag ng mga OFWs para sa bansa.
Ayon kay Magsino, ang pagdaraos ng mga ganitong espesyal na selebrasyon ang isa sa mga natatanging paraan upang maipakita sa libo-libong OFWs ang kanilang kahalagahan hindi lamang para sa kanilang pamilya bagkos para sa Pilipinas mismo.
Pagdidiin ng mambabatas na hindi maikakaila na napakalaki ang ambag na ibinibigay ng mga OFWs para sa ekonomiya. Kaya nararapat lamang aniya na masuklian ang kanilang napakalaking konstribusyon para sa bansa.