Just In

Calendar

July 2026
M T W T F S S
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
2728293031  
GINHAWA

GINHAWA bill itinulak kontra inflation

24 Views

ITINULAK ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mas malawak na tax relief para sa mga manggagawa at maliliit na negosyo habang nananatili ang pressure sa presyo sa kabila ng bahagyang pagbaba ng inflation.

Nanawagan si Gatchalian na pagtibayin ang Senate Bill No. 56 o ang Granting Increase in Take-home Pay for All Working Filipinos Act na naglalayong itaas ang income-tax exemption threshold at ang tax-free ceiling para sa mga bonus ng empleyado.

Bumaba sa 6.4 porsiyento ang headline inflation noong Hunyo ngunit umakyat sa 4.4 porsyento ang core inflation sa ikaanim na sunod na buwan.

Hindi kabilang sa kwenta ng core inflation ang piling pagkain at produktong enerhiya na madalas magkaroon ng malalaking pagbabago sa presyo.

“While headline inflation has eased, rising core inflation shows that price pressures remain. Patuloy na tumataas ang presyo ng maraming pangunahing produkto at serbisyo.

Dahil dito, mas kaunti ang naiuuwing halaga ng mga manggagawa para sa kanilang pamilya at mas mabigat ang pasanin sa mga maliliit na negosyo,” pahayag ni Gatchalian.

Sa ilalim ng GINHAWA Act, itataas sa P400,000 mula P250,000 ang taunang kita na hindi papatawan ng personal income tax.

Itataas din ng panukala sa P150,000 mula P90,000 ang tax-free ceiling para sa 13th-month pay at iba pang benepisyo ng mga empleyado.

Hindi direktang pabababain ng mga panukalang pagbabago ang presyo ng pagkain, kuryente, pamasahe at iba pang pangunahing pangangailangan.

Sa halip, mababawasan ang income-tax burden ng mga kwalipikadong manggagawa upang mas malaki ang halagang maiuwi nila sa kanilang pamilya.

Papayagan din ang mga kuwalipikadong microenterprise na mag-claim ng karagdagang tax deduction na katumbas ng 50 porsyento ng kanilang labor expenses.

Kabilang sa maaaring makinabang ang mga sari-sari stores, laundry shop, home-based salon, food stall at maliliit na negosyong online.

Mababawasan sa pamamagitan ng deduction ang halagang papatawan ng buwis batay sa mga kuwalipadong gastusin sa paggawa.

Sinabi ni Gatchalian na magbibigay ang panukala ng dagdag na ginhawa sa mga manggagawa at maliliit na negosyo habang patuloy na pinabibigat ng mataas na presyo ang kanilang mga gastusin.