Martin8

GMA pinuri si PBBM, Speaker Romualdez sa matagumpay na BPSF sa Davao del Norte

Mar Rodriguez Jun 7, 2024
128 Views

Martin9PINURI ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa matagumpay na paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Tagum City, Davao del Norte, nitong Biyernes.

“Congratulations to the people of Davao del Norte and Tagum City, and many thanks to President Marcos and Speaker Romualdez,” ani Arroyo sa isang panayam.

Isa si Arroyo sa 167 kongresista na dumalo sa paglulungsad ng BPSF sa Tagum City. Ito ang pinakamalaking bilang ng mga kongresista na dumalo sa BPSF mula ng simulan ang programa noong nakaraang taon.

Umabot sa 250,000 residente ang nahatiran ng P913 milyong halaga ng cash assistance at serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Nang matanong kung dadalo pa si Arroyo sa mga susunod na BPSF ay positibo ang naging tugon ni Arroyo.

“As I’m invited, yes,” sagot ni Arroyo.

Ang pagdating ni Arroyo sa event ay nagpapakita ng patuloy nitong pagnanawi na makapagbigay ng serbisyo publiko at suportahan ang mga programa na makatutulong sa mga Pilipino.

Pinangunahan ni Speaker Romualdez ang delegasyon ng mga kongresistang dumalo at nagpahayag ito ng pasasalamat sa dami ng mga pumunta.

“Napakasaya po. ‘Yung BPSF lumalakas, lalong lumalago at lahat ng mga sangay ng ating gobyerno ay narito, over 66 departments and agencies, at pinakamaraming benepisyaryo ngayon,” ani Speaker Romualdez sa isang ambush interview.

Nagpasalamat din ni Speaker Romualdez kay Pangulong Marcos sa paglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa publiko.

“Nagpapasalamat ako sa ating mahal na Presidente. Ito po ang bisyon nya na ilapit ang ating gobyerno sa taumbayan, at ito na po ang nangyayari,” sabi nito.

Nagpasalamat din ni Speaker Romualdez sa kanyang mga kapwa mambabatas na dumalo sa event.

“Tunay na tayo’y nagagalak at napakaraming kongresista ang nakarating sa programa ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at personal na masaksihan kung paano nakakatulong sa mga mamamayan ang bawat ayudang inilalaan natin sa ating national budget,” sabi ni Speaker Romualdez na kinilala ang pagdalo ni Arroyo sa event.

“Dahil sa ating nasasaksihan sa BPSF, makakaasa ang mga kababayan natin na sisiguruhin pa rin ng Kongreso ang pagpapatuloy ng mga programang ito sa administrasyong Marcos. At patuloy pa din ang ating paghahanap ng mga paraan para lalong makatulong sa ating mga kababayan,” dagdag pa nito.

Ang BPSF ang pinakalamalaking service caravan na naglalayong ilapit sa publiko ang ayuda na ibinigay ng gobyerno bukod pa sa mga serbisyo gaya ng Kadiwa ng Pangulo, Passport on Wheels, Driver’s License registration/assistance, at iba pa.

Ang Davao del Norte ang ika-19 na probinsya na dinalaw ng BPSF at ikawalo sa Mindanao.

Si Speaker Romualdez ang kumatawan kay Pangulong Marcos sa pagbubukas ng BPSF sa Davao Del Norte Sports and Tourism Center noong Biyernes.

Noong Huwebes, personal na iniabot ni Pangulong Marcos ang P60 milyong halaga ng financial assistance para sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng El Nino phenomenon sa Davao Region sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk (PAFF).

Namigay din ang Pangulo ng tig-P10 milyon sa Davao de Oro, Davao del Norte, and Davao Oriental, at P19.52 milyon sa Davao del Sur.

Binigyang diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na matapos kaagad ang mga proyekto ng gobyerno upang maitaas ang pamumuhay ng mga residente.

Si Speaker Romualdez, na nakikilala na bilang Mr. Rice ay namigay din ng 300,000 kilo ng bigas sa libu-libong residente ng Davao del Norte.