Calendar
Gobyerno hinilingan ng tamang paghahanda vs epekto ng AI sa manggagawa
TAMANG paghahanda sa epekto ng AI sa Pinoy na mangagawa.
Ito ang panawagan ni Senadora Risa Hontiveros kung saan ay hinimok niya na maglunsad ang pamahalaan ng pambansang “Digital Public Works Program” upang maprotektahan ang mga manggagawang nanganganib mawalan ng trabaho dahil sa pag-usbong ng automation at artificial intelligence (AI), partikular sa sektor ng BPO at online gig economy.
Sa pagtalakay ng panukalang 2026 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE), iginiit ni Hontiveros na kailangang may konkretong hakbang ang gobyerno para lumikha ng makabuluhang digital jobs habang papalitan ng AI ang maraming trabaho sa susunod na mga taon.
“Kailangan natin ng public employment program na naka-akma sa digital age,” ani Hontiveros. “Maaaring kunin ang mga nawalan ng trabaho para tumulong sa pag-digitize ng mga rekord ng gobyerno, habang natututo sila ng bagong skills.”
Ang mungkahing programa ay katulad ng tradisyunal na public works, ngunit sa halip na magtayo ng imprastruktura, ang focus nito ay digital services—gaya ng data encoding, pag-scan ng dokumento, system migration, at pagbuo ng online government platforms.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, na nagsusulong ng DOLE budget, positibo ang tugon niya sa ideya. Kinumpirma niyang may inilaan nang ₱1.5 bilyon ang TESDA sa 2026 para sa AI-focused training para sa humigit-kumulang 43,000 scholars.
“Habang lumilipat tayo sa digital, hindi natin dapat iwanan ang ating mga manggagawa,” diin ni Hontiveros.
Binanggit niya na ang mabilis na automation ay maaaring makaapekto sa libu-libong manggagawa sa call centers, data entry, freelance at content creation sectors. Ani niya, kailangang maagapan ito ng programang may kasamang employment at skills upgrading.
Dagdag pa niya, magiging kapaki-pakinabang din ang programa sa gobyerno. “Marami pa ring ahensya ang lubog sa paper-based systems. Kung ma-digitize natin ‘yan gamit ang mga displaced workers, sabay ang serbisyo at trabaho,” aniya.
Iminungkahi ni Hontiveros na pangunahan ng DOLE, TESDA, at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagpapatupad ng programa, kasama ang mga LGU para sa lokal na deployment.
Ang mungkahing Digital Public Works ay bahagi ng mas malawak niyang panawagan para sa mas malakas na proteksyon sa paggawa. Kabilang dito ang panibagong displacement ng humigit 100,000 construction workers matapos kanselahin ng gobyerno ang lisensya ng ilang contractors na iniimbestigahan sa flood control projects.
Bagama’t sinabi ni Gatchalian na may emergency employment at retraining options mula sa TESDA, giit ni Hontiveros na kailangan ng mga programang handa sa hinaharap—gaya ng kanyang mungkahi.
Binalikan din niya ang apat na taong pagkaantala ng pagpapatupad ng Labor Education Act (RA 11551) na nag-aatas ng pagtuturo ng karapatan ng manggagawa sa kolehiyo at tech-voc institutions. Ayon kay Gatchalian, pipirmahan na ang IRR ng batas sa Disyembre 8 at inaasahang maipapatupad sa unang bahagi ng 2026.
Para kay Hontiveros, ang pamumuhunan sa mga makataong digital jobs ay mahalaga upang maiwasan ang lalong paglala ng hindi pagkakapantay-pantay sa panahon ng automation.

