DOLE

Flood control scandal nagresulta sa 100,000 nawalan ng trabaho

306 Views

DOLE nagsimula ng emergency assistance

TINATAYANG 100,000 construction workers ang nawalan ng trabaho matapos ipawalang-bisa ng pamahalaan ang lisensya ng mga pangunahing kontratistang sangkot umano sa iregularidad sa mga flood control projects, ayon sa datos mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Senador Sherwin Gatchalian.

Ang malawakang displacement ay bunga ng crackdown laban sa mga contractor na umano’y sangkot sa mga maanomalyang kasunduan, overpricing, at “ghost projects” sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Pinangunahan ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang pagbawi ng lisensya ng hindi bababa sa 15 kumpanya, alinsunod sa utos ng Palasyo.

Kinumpirma ni Gatchalian, sponsor ng DOLE budget sa Senado, ang malawakang epekto sa sektor ng paggawa. “The cancellation of contractor licenses has affected a significant number of workers—close to 100,000 based on DOLE estimates,” ani Gatchalian.

Bagama’t layuning sugpuin ang katiwalian, binigyang-diin ng ilang senador at labor groups na ang naging resulta ay malawakang pagkawala ng trabaho, lalo na sa mga hindi regular na manggagawa na nakakontrata lamang sa ilalim ng labor-only contracting.

Sinimulan na ng DOLE ang pagbibigay ng pansamantalang tulong sa mga apektadong manggagawa, habang nakikipagtulungan sa TESDA at mga private contractors para sa retooling at job placement. Inilaan ng TESDA ang ₱1.5 bilyon para sanayin ang 43,000 manggagawa sa mga bagong kasanayan, kabilang na ang AI-related skills.

Gayunman, binigyang-pansin ng mga labor advocate na maraming manggagawa ang hindi kabilang sa pormal na employment system—walang benepisyo, walang job security, at nahihirapan makakuha ng tulong mula sa gobyerno. Itinuturo rin ang maramihang subcontracting layers bilang dahilan kung bakit maraming manggagawa ang “in limbo.”

Una nang inihain ni Senadora Risa Hontiveros ang mungkahing “Digital Public Works Program” kung saan maaaring kunin ang displaced workers para sa digitalization ng mga serbisyo ng gobyerno. Bukas umano ang DOLE sa ganitong ideya, ayon kay Gatchalian.

Samantala, nananawagan ang ilang grupo na ilabas ng DOLE at DPWH ang mas malinaw na datos tungkol sa mga apektadong manggagawa, kabilang na ang kanilang lokasyon, kasanayan, at access sa tulong. Iginiit ng mga tagapagtaguyod ng transparency na dapat kasabay ng imbestigasyon ang pagtiyak sa kapakanan ng mga manggagawang apektado ng anti-corruption drive.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa mga blacklisted contractors, at kinakaharap ng ilan sa kanila ang kasong administratibo at kriminal sa Office of the Ombudsman. Ilan ay ini-uugnay umano sa mga pulitikong backer at pinaghihinalaang maanomalyang joint ventures.

Habang naka-hold ang ilang proyekto at tuloy ang pagbusisi, nananatiling walang katiyakan ang kinabukasan ng mga apektadong kumpanya at libu-libong manggagawang umaasa sa konstruksiyon.