Calendar
PNP inihanda pinakamalaking seguridad para sa Trillion Peso March 2.0
INIHANDA na ng Philippine National Police (PNP) ang pinakamalaking seguridad na ilalatag nito para sa nalalapit na “Trillion Peso March 2.0” itong Linggo, November 30, kasabay ng pagdiriwang ng Bonifacio Day.
Simula 5: p.m. ng Biyernes, inilagay sa full alert status ang lahat ng PNP units sa buong bansa upang matiyak na sapat at nasa ground ang lahat ng personnel at kagamitan bago, habang, at matapos ang pagtitipon.
Sa ilalim ng full alert, naka-duty lahat ng pulis at pansamantalang suspendido ang leave. Nakaantabay na rin ang civil disturbance management teams, crowd-control units, traffic personnel, mobile forces, EOD/K9 teams, medical teams, at quick-reaction elements. May mga command posts din sa strategic areas at naka-deploy ang stand-by rescue units.
Kaugnay ng mas pinaigting na seguridad, ipatutupad din ng PNP ang suspension ng lahat ng Permits to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa buong Metro Manila mula 12:01 a.m. November 29 hanggang 11:59 p.m. ng December 1, 2025.
Papayagan lamang ang PNP, AFP, at law enforcement personnel na naka-uniform at nasa official duty sa naturang mga araw.
Ayon kay Acting Chief Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., balanseng seguridad at paggalang sa karapatan ang direksyong kanyang ibinigay.
“We want everyone to feel safe and respected. Nandito ang PNP para bantayan ang kapayapaan habang ginagarantiyahan ang karapatan ng mga tao na magpahayag. Our guidance remains the same—maximum tolerance, but zero tolerance for any kind of violence,” ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya.
Dagdag pa niya ang paalala sa mga pulis: “To all our personnel, I remind you to stay professional, kalmado, at patas sa lahat ng inyong kilos at desisyon.”
Binigyang diin din ni Lt. Gen. Nartatez na matibay ang koordinasyon sa lahat ng partner agencies. “Our teams are ready, mula crowd management hanggang traffic and emergency response. The public will see a police presence that is firm yet fair, malinaw at may respeto,” aniya.
Hinimok din niya ang publiko na makiisa: “We ask everyone to cooperate, follow lawful instructions, and immediately report anything suspicious para ligtas tayong lahat.”
Ang buong operasyon ay alinsunod sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO) sa ilalim ng PNP Focus Agenda at isasagawa kasama ang AFP, LGUs, MMDA, DILG, DOH, at iba pang ahensya. Tututukan din ang posibleng traffic choke points, assembly areas, at dispersal routes upang maging maayos ang daloy ng tao at trapiko.

