Duterte1

Gobyerno posibleng alam pagpunta ng ICC prober sa bansa

167 Views

POSIBLE umano na alam ng gobyerno ang pagdating sa bansa ng mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) na sumisilip sa madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ito ang sinabi ng human rights lawyer na si Kristina Conti, isa sa mga abugado ng biktima at pamilya ng madugong anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon.

Gaya ng kapwa abugado ng mga biktima na si Bayan Muna chairperson Neri Colmenares, naniniwala si Conti na tapos na ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng ICC kaugnay ng crimes against humanity na isinampa laban kay Duterte.

Naniniwala si Conti na obligado ang ICC na kunin ang kooperasyon ng gobyerno sa pagsasagawa nito ng imbestigasyon.

Maaari umano na nagpadala ng request sa gobyerno ng Pilipinas ang ICC sa pamamagitan ng diplomatic channel at hiniling na huwag itong isapubliko.

“But the request has to be kept confidential by the state. It’s not an option for the state to disclose, except to the extent that they have to disclose,” ani Konti sa panayam ng isang pahayagan.

Maaari umano na alam ng gobyerno na nasa bansa ang mga ICC prober subalit iginagalang at pinagbigyan ang hiling nitong confidentiality.

Nauna rito, nagpahayag ng paniniwala sina Konti at Colmenares na tapos na ang imbestigasyon ng ICC sa bansa.

“My statement is that if they are truly here, then they should talk to the families at least … Even just to offer assurance for them that the wheels of justice are turning for their case,” sabi ni Colmenares.

“Remember that many of them have been waiting since 2017,” dagdag pa ni Colmenares.