Goitia Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay nagtapos ng Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), at may mga advanced degree sa MNSA, MPA, at MBA. JONJON C. REYES

Goitia kinuwestyon pagsasaliksik sa Panatag Shoal

Jon-jon Reyes Sep 3, 2026
14 Views

SA loob ng 21 araw, nanatili sa Bajo de Masinloc o Panatag Shoal ang isang marine research vessel. Sapat na panahon ito para magtanong ang Pilipinas: ano nga ba ang pinag-aaralan doon?

Ang vessel ay nanatili sa shoal mula Agosto 11 hanggang Setyembre 1. Dinisenyo ito para sa geological survey at may kakayahang magsuri sa seabed at mababaw na bahagi ng ilalim nito, gamit ang stern-mounted A-frame sa pag-deploy at pagkuha ng scientific equipment. Ang ganitong survey ay maaaring makalikom ng detalyadong datos tungkol sa ilalim ng dagat, impormasyong maaaring magamit sa mga susunod na marine engineering project.

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia:

“Ang pansamantalang presensya ngayon ay maaaring maging normal na realidad bukas kung hahayaan itong magpatuloy nang walang tugon.”

Noong Mayo, namataan ang isang floating platform o balsa sa loob ng shoal. Ngayon, isang drilling-capable survey vessel naman ang nanatili roon nang halos tatlong linggo.

Maaaring may paliwanag ang bawat insidente.

Ang mahalagang tanong ay ano ang pinag-aaralan nito at para saan maaaring gamitin ang impormasyong nakukuha nito?

“Bihirang mawala ang soberanya nang biglaan,” sabi ni Goitia. “Unti-unti itong nababawasan kapag paulit-ulit na hinahayaang lumipas ang mga hamon dito nang walang tugon.”

Hindi na kailangang hintayin ng bansa na may isa na namang artipisyal na isla na maitayo sa Panatag bago seryosohin ang mga senyales na ito.

May soberanya at maritime rights ang Pilipinas sa Bajo de Masinloc. Anumang aktibidad na maaaring magbago sa status quo ay dapat bantayan ngayon, habang nangyayari, hindi kapag huli na ang lahat.

Paalala ni Goitia: “Ang ating soberanya ay hindi maaaring ipagpalit, isuko, o gawing paksa ng negosasyon.”