Golden double Ang UP’s 3×3 team nina Gerry Abadiano, Harold Alarcon, AJ Madrigal at Brix Ramos na sasabak sa UAAP 3×3 tournament na lalarga bukas sa CaSoBe sa Calatagan South Beach, Batangas. Contributed photo

Golden double target ng UP

Theodore Jurado Jun 1, 2022
336 Views

PUNTIRYA ng University of the Philippines ang golden double matapos makopo ang men’s basketball crown nitong nakalipas na buwan sa paglarga ngayon ng UAAP 3×3 tournament sa CaSoBe sa Calatagan South Beach, Batangas.

Pinamumunuan nu Gerry Abadiano, na kumatawan sa bansa sa FIBA 3×3 U18 Asia Cup noong 2019, sasandal rin ang Fighting Maroons kina Harold Alarcon, AJ Madrigal at Brix Ramos.

Haharapin ng UP ang National University upang buksan ang mabigat na 14-game schedule sa alas-10:30 ng umaga.

Sasagupain ng Ateneo, second placers sa katatapos na men’s basketball competition, ang fabled rival La Salle upang ilarga ang kanilang 3×3 campaign sa alas-12:30 ng hapon.

Ang Blue Eagles ay binubuo nina Sean Quetevis, Geo Chiu, Inand Fornillos at JC Fetalvero, habang sina Donn Lim, Ralph Cu, Emman Galman at Ben Phillips ang magiging sandigan ng Green Archers.

Sa women’s division, ang decorated Lady Bulldogs ay pagbibidahan ni Camille Clarin, ang bayani ng Philippines’ sa nakakagulat na 10-9 panalo laban sa No. 6 The Netherlands sa 2019 FIBA 3×3 U18 World Cup.

Uumpisahan ng NU, na kasama rin sina Angel Surada, Kristine Cayabyab at Karl Ann Pingol sa line-up, ang kanilang title bid kontra sa University of Santo Tomas, na kinabibilangan nina Tacky

Tacatac, Reynalyn Ferrer, Agatha Bron at Joylyn Pangilinan, sa alas-11:15 ng umaga.

Hahaharapin naman ng Far Eastern University, na sasandigan nina Mikee Antonio, Mary Julianne Manguiat, Danica Pacia at Camille Taguiam, ang Ateneo, na tampok sina Jhazmin Joson, Lettice

Miranda, Dyna Nieves at Sandra Villacruz, sa alas-10 ng umaga upang sindihan ang 14-game bill sa distaff side.

Ang top four teams makaraan ng single-round eliminations sa parehong divisions ay maglalaban sa knockout semifinals bukas. Ang one-game championship ay lalaruin din sa pareho ding araw.

Kasama na ang 3×3 sa general championship.