Concepcion UST gunner Sherwin Concepcion: 3×3 MVP. UAAP photo

Concepcion bida sa panalo ng UST

Theodore Jurado Jun 4, 2022
205 Views

CALATAGAN, Batangas — Nagpakawala si Sherwin Concepcion ng anim na two-pointers nang humabol ang University of Santo Tomas mula sa siyam na puntos na pagkakabaon upang talunin ang La Salle, 21-20, at makuha ang men’s crown ng UAAP 3×3 tournament kahapon sa CaSoBe Resort dito.

Hindi tumiklop ang Growling Tigers sa kabila na nalugmok sa 5-14, kung saan tumrangko si Concepcion, na tumapos na may 12 points at anim na rebounds upang tanghaling tournament MVP.

Ibinuslo ni Concepcion ang title-sealing two-pointer, na siyang tanging lamang ng UST sa finale.

“Hanggat may oras lalaban kami. Tiwala sa akin mga teammates ko. Mabuti at pumasok lang. Tira lang ako ng tira,” sabi ni Concepcion.

Sa women’s division, nakumpleto ng National University ang malinis na 8-0 season sa pamamagitan ng 21-18 tagumpay laban sa UST.

Ang tagumpay sa 3×3 ay nagsilbing pambawi ng Tigers mula sa seventh place na kampanya sa katatapos na men’s basketball season.

“Gusto po naming bumawi para sa UST community,” sabi ni Concepcion.

Nagsalansan si Camille Clarin ng walong puntos at walong rebounds, habang umiskor si MVP Kristine Cayabyab ng anim na puntos, kabilang ang championship-sealing putback mula sa sablay na two-pointer ni Clarin sa huling 59.6 segundo para sa Lady Bulldogs.

Ito ang kanuna-unahang official title ng dalawang eskuwelahan pagkat kasama na ang 3×3 sa general championship race ng liga.