Madrona

Golf tourism na kinakasa ng DOT ikinagalak ng House Committee on Tourism

Mar Rodriguez Oct 24, 2024
83 Views

BILANG chairperson ng House Committee on Tourism. ikinagagalak ni Romblon Lone Dist. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang ikinakasang programa ng Department of Tourism (DOT) patungkol sa pagpapalago ng “golf tourism” na inaasahang lalo pang magpapaunlad sa turismo ng bnasa.

Nauna dito, inihayag ni Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco na malugod nitong tinanggap ang mga executives mula sa Sta. Lucia Land Inc. para talakayin ang potensiyal na paglago ng programang golf tourism bilang isa sa mga priyoridad na produkto sa ilalim ng National Tourism Development Plan (NTDP) mula 2023 hanggang 2028.

Naniniwala si Madrona na ang pagsusulong ng golf tourism ang isa sa mga pamamaraan upang lalo pang makilala, umunlad at magpalago sa turismo ng bansa sa pamamagitan ng pagpasok ng mga dayuhang turista na interesadong lumahok sa golf tourism. Inaasahan din na mangangahulugan ito ng pagpasok ng malaking ganansiya para sa pamahalaan.

Paliwanag din ni Madrona na hindi maikakaila na napakaraming dayuhan ang nae-engganyong magtungo sa Pilipinas para makapag-laro ng golf dahil maraming magagandang golf cources o golf clubs sa Pilipinas.

Ayon naman kay Frasco, patuloy ang pagsisikap at paggalugad ng Tourism Department ng mga inisyatiba na naglalayong pahusayin ang mga regional circuit ng turismo para sa golf habang isinisulong ang mga destinasyon ng golf ng bansa sa international na yugto.

Dagdag pa ni Frasco na muli nitong pinagtibay ang pangako ng ahensiya na makipagtulungan sa mga stakeholders upang lalo pang patatagin ang posisyon ng Pilipinas bilang nangungunang golf tourism hub.