Hataman1

Gov. Hataman sinimulan bagong termmino sa paglagda ng Executive Order No. 1

373 Views

BASILAN – Pormal na sinimulan ni Gobernador Mujiv Hataman ang kanyang bagong termino ngayong araw sa pamamagitan ng paglagda sa Executive Order No. 1, na nagtatatag ng kauna-unahang opisyal na polisiya ng lalawigan para sa Freedom of Information (FOI). Layunin nitong pagtibayin ang isang uri ng pamahalaan na nakasentro sa transparency, partisipasyon ng publiko, at pananagutan sa lahat ng transaksyon ng pamahalaang panlalawigan.

“Bilang ating unang Executive Order, lalagdaan ko ang isang panlalawigang Freedom of Information policy,” pahayag ni Hataman sa kanyang talumpati sa Basilan Provincial Capitol.

“Ito ang magiging sandigan ng malinis at tapat na pamahalaan, kung saan ang bawat transaksyon ay lantad, at bawat piso ng pondo ng bayan ay nakikita kung saan napupunta,” dagdag pa niya.

Ang makasaysayang kautusang ito ay pormal na kumikilala sa karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng access sa mga opisyal na talaan at dokumentong publiko na hawak ng pamahalaang panlalawigan ng Basilan.

Ang EO No. 1 ni Hataman ay may batayan sa 1987 Konstitusyon at hango sa Executive Order No. 2 na inilabas noong 2016 sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Dito nagsisimula ang pagbabago – sa linis ng proseso, sa pagiging bukas at patas ng serbisyo,” wika pa ni Hataman.

Saklaw ng Patakaran

Sasaklawin ng polisiya ang lahat ng departamento, opisina, at ahensya ng pamahalaang panlalawigan. Ang bawat opisina ay kailangang magtalaga ng isang Freedom of Information Officer na siyang hahawak sa mga request, tutulong sa publiko, at magtatala ng mga kahilingan at tugon ng gobyerno.

Upang isulong ang proactive disclosure, hinihikayat ng EO No. 1 ang bawat departamento na ilathala sa opisyal na website ng Basilan at iba pang plataporma ang mga mahahalagang dokumento tulad ng budget, procurement plan, at Annual Investment Program.

Proseso at Mga Eksepsyon

Ang mga kahilingan ay dapat tugunan sa pamamagitan ng standardized na proseso gamit ang simpleng written o online na form. Kinakailangan ding may mekanismo para sa apela sa mga request na tinanggihan.

Ang mga eksepsyon sa FOI ay limitado lamang sa mga nakasaad sa Konstitusyon o sa mga umiiral na batas—tulad ng mga usaping may kinalaman sa pambansang seguridad, pribadong impormasyon ng indibidwal, at iba pang legal na limitasyon. Inatasan ang Provincial Legal Office na makipag-ugnayan sa Department of Justice upang buuin ang isang publikong listahan ng mga eksepsyon.

Institutionalization at Monitoring

Binigyang-diin ni Hataman na hindi lamang ito pangakong transparency kundi itatatag ito sa pamamagitan ng mga konkretong polisiya at nasusukat na aksyon.

“At ang mga prinsipyong pinanindigan na natin nang mahabang panahon, isasakongkreto natin sa mga polisiya at gawaing ipapatupad natin sa unang isandaang araw ko sa serbisyo,” aniya.

Upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagpapatupad, nakasaad sa EO ang pagsasagawa ng capacity-building para sa mga kawani ng gobyerno at ang paglulunsad ng isang malawakang kampanya ng impormasyon upang turuan ang mamamayan ukol sa kanilang karapatang humiling ng impormasyon.

Ang pagsunod sa EO No. 1 ay babantayan ng Tanggapan ng Gobernador sa pamamagitan ng Provincial Administrator, at lahat ng departamento ay inaatasang magsumite ng regular na ulat ng kanilang pagsunod.

Ang kautusan ay agad na naging epektibo matapos itong lagdaan at mailathala.