Classroom

Mas tumutugong voucher system para sa mag-aaral, guro itinutulak ni Rep. Romualdez

419 Views

ITINULAK ni reelected Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, ang Speaker ng katatapos na 19th Congress, ang panukalang batas na naglalayong i-repeal ang E-GASTPE law at palitan ito ng isang mas malawak at mas tumutugong voucher system para sa mga mag-aaral at guro sa mga pribadong paaralan.

Inihain ni Romualdez ang ang panukalang Private Basic Education Vouchers Assistance Act o House Bill (HB) No. 4 sa pagbubukas ng 20th Congress nitong Lunes.

Kasama ni Romualdez bilang may-akda ng panukala sina Tingog Party-list Reps. Andrew Julian Romualdez at Jude A. Acidre.

Layunin ng panukala na i-repeal ang mga pangunahing probisyon ng Republic Acts (RA) Nos. 6728 at 8545, na sama-samang kilala bilang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE) Act.

Layunin din nitong lumikha ng isang bagong Bureau of Private Education sa ilalim ng Department of Education na mangangasiwa sa pagpapatupad ng voucher subsidies, mga programang suporta para sa guro, at tulong para sa institutional development ng mga pribadong paaralan.

“Hindi na akma sa panahon ang lumang E-GASTPE law. We are filing this bill to ensure that no Filipino learner is left behind, a principle enshrined under the Bagong Pilipinas campaign of President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.,” ani Rep. Martin Romualdez.

“This measure will strengthen our support to students who choose private schools, especially those in overcrowded or underserved areas,” dagdag pa niya.

Layunin din ng panukala na tulungan ang mga pribadong paaralan na makabangon mula sa mga kinakaharap nilang suliranin.

Sa tala, noong nagsimula ang COVID-19 pandemic noong 2020, bumagsak ng 48% ang enrollment sa mga pribadong paaralan, na nagpapakita ng kahinaan ng sektor. Ayon sa paliwanag ng panukala, “Even before the pandemic, many students had already been transferring to public schools due to the exodus of private school teachers – often lured by better compensation and job security in the public sector.”

“This shift has not only strained private schools but has also placed immense pressure on the public school system, which must absorb the growing number of transferees, often without commensurate resources. Given these circumstances, there is an urgent need to update and expand the scope of E-GASTPE,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng panukala, ang mga kwalipikadong estudyante mula sa middle-income at mahihirap na pamilya ay bibigyan ng government-issued vouchers upang makapag-aral sa mga pribadong basic education schools kapag masyado nang masikip o walang magagamit na pampublikong paaralan sa kanilang lugar.

Magkakaiba ang halaga ng voucher depende sa kalagayang pangkabuhayan ng mag-aaral, kung saan bibigyan ng prayoridad ang mga pinaka-nangangailangan.

“Itong voucher system na ito, hindi lang ito para makalipat ng eskwela ang bata. This is about expanding choices, empowering families and fixing the imbalance in our education system,” ayon kay Speaker Romualdez.

Maaaring lumahok ang mga pribadong paaralan sa programa sa pamamagitan ng isang recognition process at kailangang sumailalim sa pana-panahong quality assessments batay sa student outcomes, teacher development, at institutional readiness.

Ang mga paaralan sa conflict-affected o geographically isolated areas na may limitadong resources ay bibigyan ng mas maluwag na kundisyon sa pagsali.

Kabilang din sa panukala ang pagtatatag ng Teachers’ Salary Subsidy Fund at In-Service Training Fund upang mapanatili at mapaunlad ang mga guro sa pribadong sektor, bilang tugon sa mga taong pagkakabawas ng mga guro dahil sa paglipat sa mas mataas ang sahod sa pampublikong paaralan.

“This is also a labor issue. Hindi natin pwedeng pabayaan ang mga guro sa private schools. Kapag nawala sila, damay pati ang mga batang umaasa sa kanila,” ani Rep. Martin Romualdez.

Upang matiyak ang maayos na pamamahala, ang Bureau of Private Education ang magiging pangunahing opisina para sa lahat ng usapin ukol sa private basic education, kabilang ang pagmamanman sa paggamit ng vouchers, performance ng mga paaralan, at pagsunod sa mga polisiya ng DepEd.

Magkakaroon din ng bagong inter-agency Basic Education Assistance Council na binubuo ng DepEd, DBM at NEDA para sa pagbibigay ng strategic oversight.

Ipinag-uutos din sa panukala ang publikasyon ng isang public registry ng mga lumalahok na paaralan, kabilang ang tuition rates, laki ng klase, bilang ng available slots, at mga extracurricular offerings upang makatulong sa mga magulang sa paggawa ng desisyong may sapat na batayan.

“The goal is transparency and equity. Families should know what they are getting into, and schools should be held to account,” aniya.

Bukod sa vouchers para sa mga mag-aaral, binibigyan din ng kapangyarihan ng panukala ang DepEd na magbigay ng tulong sa antas ng paaralan tulad ng suporta sa pasilidad, curriculum development, at training para sa mga guro upang matiyak na mananatiling viable at competitive ang mga pribadong institusyon.

“First and foremost, this is an education reform bill. But it is also an act of national solidarity. Kapag lumakas ang private schools, gagaan din ang pasanin ng public school system. Ang mananalo dito ay ang batang Pilipino,” dagdag pa ni Rep. Martin Romualdez.