Migz Zubiri

Grupo ng mga negosyante: P100 wage hike di makakabuti

251 Views

NAGBABALA ang isang grupo ng mga negosyante na makakasama sa halip na makabuti ang isinusulong na P100 minimum wage hike sa Senado.

Sa position paper na ipinadala ng mga negosyante kay Senate President Juan Miguel Zubiri na petsang Pebrero 14, 2024, nagpahayag ng mariing pagtutol ang iba’t ibang business group sa pagpasa ng Senate Bill 2534 o ang panukalang Wage Increase Act of 2023.

Sinabi ng mga negosyante na bagamat makikinabang ang may limang milyong emplaydo sa pribadong sektor sa panukala, maiwanan naman ang 47 milyong self employed gaya ng mga magsasaka, mangingisda, tricycle driver at iba pang katulad ng mga ito.

“Sa kabaligtaran, ang legislated wages, habang masasaktan ang micro, small and medium enterprises, lalong sasama ang kalagayan ng nakakaraming 47-milyong manggagawa at hindi magandang kontribusyon sa ekonomiya,” ayon sa sulat.

Kapag tumaas umano ang presyo ng bilihin bunsod ng pagtataas ng sahod ng mga empleyado sa pribadong sektor, ang mga nasa informal sector ay maaapektuhan din.

“Seryoso ang aming paniniwala na ang panibagong umento sa pamahagitan ng panukalang batas matapos ang pagtaas sa minumum wage sa pamamagitan ng [regional] wage boards ay hindi solusyon sa hamon ng mga manggagawang Filipino,” ayon pa sa grupo ng mga negosyante.

Sa halip na magpasa ng batas na magtataas ng sahod, iminungkahi ng mga negosyante sa Kongreso ang pagsasagawa ng komprehensibong hakbang para tugunan ang economic equality sa pamamagitan ng paglikha ng mga patakaran na tutugon sa mababang produksyon, hindi mabuting pamamahala at lumalalang kahirapan.

Noong nakaraang linggo ay inaprubahan ng Senado sa ikalawang pagbasa ang SB 2534

Kabilang sa mga lumagda sa position paper na nagpahayag ng pagtutol sa Senate Bill 2534 ay ang mga opisyal mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines, Philippine Exporters Confederation Inc, Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Philippine Association of Legitimate Service Contractors Inc., IT & Business Process Association of the Philippines, Philippine Constructors Association Inc., Philippine Food Processors and Exporters Organization Inc., Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines Inc., Philippine Retailers Association, at ang People Management Association of the Philippines.

Sa Kamara, sinabi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na maliit ang P100 panukala ng Senado kumpara sa P350 na arawang kita na kabilang sa tinatalakay sa Kamara de Representantes.

Masusi pa itong pinag-aaralan dahil ng mga kongresista dahil sa inaasahang magiging epekto nito.

Ang inuna ng Kamara ay ang mga panukala na makatutulong sa mga mahihirap na pamilya, kabilang ang mga programa sa pagbibigay ng ayuda katulad ng AKAP na orihinal na ideya ni House Deputy Majority Leader for Communications at ACT CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo.