Guada Guada Guarin

Guada Garin kasama ni Pepsi Paloma pero wala sa pelikula

Eugene Asis Jan 6, 2025
50 Views
Guada1
Guada
Guada2
Guada Guarin sa kanyang kabataan
Guada3
Pepsi Paloma

MULING pinag-uusapan ngayon ang kaso ng nasirang bold actress na si Pepsi Paloma dahil sa isang pelikulang diumano’y ibinase sa kanyang buhay.

Ang title, ‘The Rapists of Pepsi Paloma’ na ang direktor ay ang kontrobersiyal na si Darryl Yap. May mga debate na tungkol dito, mga pag-uusap kahit na nga hindi pa tapos at naipalalabas ang pelikula.

Tanging trailer lamang nito ang napanood, gayunman, malakas ang dating nito, at sabi nga sa kasabihang kolokyal, marami ang nasasagasaan at naapektuhan.

Kabilang na rito ang dating bold star na si Guada Guarin na tanging kasama ni Pepsi nang maganap ang sinasabing panghahalay. Wala ang karakter niya sa naturang pelikula kaya maraming tanong sa kanyang isip.

Paano sila gagawa ng isang true-to-life story, o tungkol sa isang tunay na nangyari kung wala ang totoong kasama rito?

Kaya naman, dahil sa mga debate at ingay na nilikha ng naturang trailer, muling nag-surface ang isang luma naming interbyu kay Guada na ginamit naming vlog entry sa aming Youtube channel, ang GenE!News.PH noong Hunyo 2024.

Tinanong namin doon si Guada tungkol paghingi noon ng public apology ng mga inakusahan nila ni Pepsi sa isang court case.

Sagot ng dating sexy star, “Hindi ko na sakop yon. Siguro para matapos na lang. Yun na rin ang gusto kong mangyari.

“Sa akin, hindi ko na yon… hindi ko na iniisip. Parang iniisip ko rin para matapos na.”

Sabi namin sa kanya, nakakaawa ang mga taong nadamay na inosente at wala talagang kasalanan, sabi niya: “Wala akong magagawa dun, e.

“Unang-una pa, bata pa ako noon, e. Nung panahon na yon, siguro, iba na kasi ang pananaw ko, e.

“Sa dami ng naranasan ko sa buhay ko, ngayon ko naiisip yung bagay-bagay. Hindi yung time na yon na naguguluhan din ako.”

Ayon sa kanya, matagal na niyang gustong magsalita tungkol dito. Kaya nang muli kaming magkita pagkatapos ng maraming taon, kami ang napagsabihan niya: “Alam mo ba na pinangarap ko rin na… pinangarap kong magsalita na ano, kaya yung ano, lalo na yung uso na yung Internet.

“Sabi ko, sana dumating yung time na malinaw ko ito. Inano ko ito, e, winish ko ito. Kaya sabihin na, ginusto ko ‘to mangyari,” pagtatapat ni Guada.

Pagpapatuloy niya: “Ano lang ako, e, umano lang ako ng pagkakataon. Humanap lang ako ng pagkakataon.

“Kasi ilang taon na rin. Bibilang na lang ako ng ilang taon, sixty (years old) na ako, di ba?

“Yung habang tumatagal, kung ano yung dapat ayusin mo, ayusin mo.

“Para matapos na rin yung, kahit wala na ako sa showbiz, kapag nalaman nilang ako si Guada, sinasabi nila na ‘Huy, totoo ba ito? Yung ano, yung ganoon-ganoon?’

“Ako, umiiwas na lang. Lagi ko na lang sinasabi, ‘Tapos na yun, e. Yung iba lang kasi nagpapalaki [ng isyu]. Ako ba nagpapalaki?'”

Dagdag ni Guada, “Iba yung sistema, iba rin yung galawan, palala nang palala.

“Kasi yung mga kabataan ngayon, halos hindi na nila yun alam, e.

“Kung sa ano, naguguluhan sila. ‘Ano ba ito? Paninira lang ba ito, ganyan-ganyan.'”

Tahasang sinabi sa amin ni Guada na walang rape na nangyari: “Oo, ako na ang nagsasabi (walang rape na nangyari).

“Before may kaso. Pero yung kaso na yon, na-close na. Tapos na.

“Ang nangyari lang, hindi na in-open sa tao na closed na.

“Kasi kami, nanahimik, kaya ang pagkakaalam ng tao, may kaso.

“Kasi ako ang umiwas, e. Parang binalewala rin namin yung media. Actually, yun ang nangyari.

“Saka isa pa, hindi naman kami nakilos nang amin lang. May manager (Rey de la Cruz) kami, di ba? Hindi kami ang nagdedesisyon kung kailan kami iinterbyuhin.”