Calendar
Guwardyang naghagis ng tuta sa flyover inireklamo ng PAWS
NAGHAIN ng reklamo ang animal rights group na Philippine Animal Welfare Society (PAWS) laban sa guwardya na naghagis umano ng tuta mula sa footbridge sa Quezon City.
Sinampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act ni PAWS executive director Anna Cabrera ang guwardya sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ayon kay Cabrera ang kanilang hakbang ay isa ring paalala sa publiko na ang pananakit sa hayop ay ipinagbabawal sa ilalim ng batas.
Kinompronta umano ng guwardya ang mga menor de edad na sina April at Sandra na nakatambay sa footbridge.
Sinabi umano ng mga bata na payagan silang manatili kahit sandali pa dahil kumakain ang kanilang tuta na si Lucky.
Sa halip na pagbigyan, dinampot umano ng sekyu ang tuta at inihagis sa footbridge ng SM North EDSA mall, na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Ayon sa pamunuan ng SM North EDSA sinibak na nito ang guwardya.