Habagat Source: File photo ni JONJON C. REYES

Habagat dapat paghandaan ng LGUs–DILG

Jun I Legaspi Jun 3, 2025
33 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga pamahalaang lokal na maghanda sa epekto ng habagat.

Sa isang memorandum circular, hinimok ng DILG ang mga local government units (LGUs) na ipatupad ang mga proactive actions batay sa Operation Listo protocols para sa mga hydrometeorological hazards upang mabawasan ang panganib sa buhay, ari-arian at ekonomiya.

Inatasan ang mga LGU na tiyakin ang kahandaan ng mga Emergency Operations Center na may sapat na tauhan at kagamitan at buhayin ang Local Incident Management Teams na sinanay sa Incident Command System.

Dapat ding tukuyin at ihanda ng mga lokal na pamahalaan ang matibay na evacuation centers na may mahahalagang pasilidad gaya ng sanitasyon, tulong medikal at nakatalagang lugar para sa mga mas nangangailangan.

Pinayuhan din ang mga LGUs na repasuhin ang kanilang contingency at action plans batay sa lokal na pagtataya ng mga lugar na madaling bahain, tamaan ng storm surge at landslide.

Pinaalalahanan ng DILG ang mga LGU na mahigpit na ipatupad ang mga no-build zone sa mga high-risk na lugar at tiyakin na mananatiling operational ang mga emergency services at supply chains sa panahon na matindi ang sama ng panahon.