Calendar
Hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan matutugunan ng reporma sa Konstitusyon
KULANG ang pagpasa ng mga batas upang maalis ang pangamba ng mga dayuhang mamumuhunan sa restriksyong pang-ekonomiya na nakasaad sa Konstitusyon.
Ito ang sinabi nina Dr. Romulo Emmanuel “Dr Jun” Miral Jr., hepe ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), at House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre sa ginanap na pulong balitaan noong Huwebes.
Ang CPBRD ay nagsisilbing ‘think tank’ ng Kamara de Representantes na ang layunin ay magbigay ng ideya, mungkahi, technical assistance at information support sa pagsusuri at pagbuo ng mga socio-economic law na makatutulong sa pag-unlad ng bansa.
Sinabi ni Miral na mawawalan ng saysay ang pagsisikap ng lehislatura para manghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan kung hindi mababago ang 1987 Constitution.
Inihalimbawa ni Miral ang pag-amyenda sa Public Service Act na layuning alisin ang 40 porsyentong limitasyon sa pagmamay-ari ng mga dayuhang mamumuhunan sa mga kompanyang may kaugnayan sa serbisyo publiko.
Kahit na naisabatas na, hindi pa rin naipatutupad ang Republic Act (RA) No. 11659, o ang Public Service Act of 2022 dahil sa kakulangan ng implementing rules and regulations bukod pa sa mayroong inihaing petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestyon sa legalidad nito.
“We tried means of relaxing [foreign ownership restrictions] like the passage of the Public Service Act. What we did is really some sort of sidestepping, not directly addressing it, but sidestepping it to relax it,” ayon kay Miral.
Ayon pa sa opisyal, nagdadalawang-isip ang mga mamumuhunan na magnegosyo sa bansa hangga’t hindi nareresolba ng Korte Suprema ang isyu.
“So until now, I don’t know if there are investors willing to invest here knowing that there is still a case pending in the Supreme Court, and we don’t know when it will be resolved,” ayon pa kay Miral.
Sinang-ayunan naman ni Acidre ang mga punto ni Miral tungkol sa kakulangan ng katatagan ng mga patakaran sa ekonomiya ng bansa.
Binigyan diin ni Acidre, ang kahalagahan na maging malinaw ang mga patakaran upang magkaroon ng kumpiyansa ang mga dayuhan na mamumuhunan sa bansa.
“The cloud of doubt whether we have not crossed the sense of the constitution will always be there,” ayon pa kay Accidre.
Sinabi pa ng mambabatas na ang pagbabago sa Konstitusyon ang magbibigay ng paglilinaw sa patakaran kaugnay ng pagnenegosyo sa bansa.
“The long-term solution really is to clarify, to provide sufficient, stable, and stronger foundation for our economic policies by incorporating the appropriate provisions in the Constitution,” dagdag pa ni Acidre.
Sa kasalukuyan ay tinatalakay ng Kamara at Senado ang mga ipinanukalang pagbabago sa Konstitusyon.
Isa sa isinusulong na baguhin ay ang paglimita sa mga dayuhan na magmay-ari lamang ng hanggang 40 porsyento ng isang kompanya.
Ang 60-40 rule, na pabor sa mga negosyaneng Pilipino ay matagal nang itinuturing na isa sa balakid para mahikayat ang mga dayuhang mamumuhunan na maglagak ng malaking kapital sa bansa na magpapalakas sa ekonomiya at lilikha ng maraming mapapasukang trabaho.