Pastor Apollo Quiboloy

Quiboloy wag kang feelingero— lady solon

119 Views

FEELINGERO ang tingin ng isang progresibong kongresista sa self-proclaimed na appointed son of God na si Pastor Apollo Quiboloy na nagsabi na siya ay pinag-aagawan ng mga babae.

Ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro kung mayroong humahabol kay Quiboloy ito ang mga babae na humihingi ng hustisya dahil sa kanyang mga maling ginawa.

“Sa bahagi ko naman, kay Quiboloy: ‘wag ka ngang feelingero. Ang akala mo ay hinahabol ka ng mga kababaihan, hinahabol ka dahil sa accountability mo at pananagutan mo sa mga kababaihan,” ani Castro sa isang press conference.

Hinamon ni Castro si Quiboloy na humarap sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises sa Marso 20 at sagutin ang mga tanong ng mga kongresista na dumidinig sa panukala na ibasura ang prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa iba’t ibang paglabag nito.

“Humarap ka kasi marami kaming mga tanong kaugnay doon sa ownership ng SMNI at siya sa mga registration nito na kaugnay doon at syempre doon sa ilang nakikita natin na mga paglabag doon sa batas kaugnay ng prangkisa,” sabi ni Castro.

Si Quiboloy ang sinasabing “beneficial owner” ng SMNI pero ayon sa abugado ng network siya ay isa lamang honorary chairman at walang kinalaman sa pang-araw-araw na operasyon.

“Harapin mo ‘yung accountability mo, Pastor Quiboloy. With due respect ‘wag ka masyadong feelingero na hinahabol ka ng mga kababaihan at pinagmamalaki mo ang iyong kayamanan,” wika pa ng lady solon.

Sa kaparehong press conference, sinabi naman ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na hinahanap o hinahabol si Quiboloy ng kanyang mga biktima.

“Sa totoo lang po kaya po hinahanap o hinahabol si Quiboloy ay dahil napakaraming mga kababaihan at bata ang naging biktima ng kanyang malawak na human trafficking scheme,” ani Brosas.

Dagdag pa nito, “’Yun po ang mga naghahanap sa kanya. ‘Yung mga alleged inaakusahan siya ng rape cases, siya po ay hinahanap (nila) para makahanap ng hustisya.”

Nanawagan si Brosas kay Quiboloy na humarap sa imbestigasyon ng Kamara at Senado at iginiit ang kahalagahan ng pananagutan at hustisya kaugnay ng mga alegasyong kinakaharap nito.

Sa isang audio clip, sinabi ni Quiboloy na hinahabol siya ng mga babae dahil siya ay mayaman.

“Nag-aagawan sila, mahirap man sabihin. Pinag-aagawan nila ako,” sabi ni Quiboloy.

Sa kabila nito, sinabi ni Quiboloy na iniiwasan nito ang mga babae.