Calendar
Hagedorn bill para sa environmental protection ng WPS isasalang na sa Plenaryo ng Kongreso
INIHAYAG ngayon ng isang kongresista na inaprubahan na ng House Committee on National Resources ang kaniyang panukalang batas na naglalayong maisulong ang “environmental protection” sa Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea (WPS).
Kaugnay nito, sinabi ni Palawan 3rd Dist. Cong. Edward S. Hagedorn na inaasahang maisalang na para sa “Plenary debate” sa Kamara de Representantes ang House Bill No. 6373 na inakda nito matapos itong aprubahan kamakailan sa committee level.
Si Citizen’s Battle Against Corruption (CIBAC) Party List Cong. Eduardo “Brother Eddie” Villanueva ang tumayong sponsor ng nasabing panukalang batas para kumatawan kay Hagedorn. Kung saan, binigyang diin ni Villanueva ang kahalagahan ng HB. 6373.
Ipinaliwanag ni Villanueva na nakasentro ang HB No. 6373 Hagedorn sa pagbibigay ng proteksiyon sa “marine environment” ng Kalayaan Island Group kabilang na dito ang Scarborough Shoal. Subalit hindi aniya kasama dito ang pagtatalo o “territorial dispute” sa WPS.
“We cannot afford not to act because the hábitat of marine life in our waters. Which benefits not only the Philippines but also adjacent countries like China, Taiwan, Vietnam, Malaysia and Brunei is being destroyed. Kailangan talagang maprotektahan ito,” ayon kay Hagedorn.
Idinagdag pa ni Hagedorn na ang kaniyang paninindigan upang magkaroon ng “environmental protection” sa nasabing karagatan ang magsisilbing “common ground” sa pamamagitan ng nagkakaisang interes ng mamamayang Pilipino para mapangalagaan ang kalikasan.
“It is my sincerest belief that pushing for environmental protection for the Kalayaan Island Group and Scarborough Shoal is a common ground that every Filipino could really behind,” sabi pa ni Hagedorn.
Nauna rito, inihayag ng Palawan congressman na umiigting ang suporta ng mga kapwa niya mambabatas at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa panukalang batas na inihain nito na nagsusulong ng “environmental protection” sa kontrobersiyal na West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Hagedorn na habang tumitindi ang tensiyon sa WPS ay lalo din umiigting ang suporta ng mga kapwa niya kongresista kabilang na ang mga mahahalang ahensiya ng gobyerno sa House Bill No. 6373 na isinulong nito sa Kongreso.
Ipinaliwanag pa nito na layunin ng HB No. 6373 na mai-deklara ang lahat ng low-tide at high-tide elevations kabilang na ang 3 nautical miles sa paligid ng Kalayaan Island Group at Scarborough Shoal bilang isang Marine Protected Area.