Meralco

Halaga ng mas mahusay na serbisyo ng Meralco binigyang-diin sa Senado

38 Views

NAGSAGAWA ng pagdinig ang Senate Committee on Public Services nitong Lunes upang talakayin ang aplikasyon ng Manila Electric Company (Meralco) para sa pag-renew ng kanilang prangkisa sa loob ng panibagong 25 taon.

Binigyang-diin nina Senators Mark Villar at Raffy Tulfo ang kahalagahan ng pagsusuri sa performance ng Meralco at ang pangangailangan ng mas pinahusay na serbisyo para sa publiko.

Ipinahayag ni Senator Mark Villar ang suporta niya sa pag-renew ng prangkisa, binigyang-diin ang mahalagang papel ng Meralco sa pagbibigay ng kuryente sa 39 na lungsod at 72 na munisipalidad sa bansa.

“For decades, Meralco has been a vital electricity provider, powering households and businesses. It has become part of the daily lives of Filipinos since they started serving our fellow countrymen,” ani Villar.

Sa nalalapit na expiration ng prangkisa nito sa 2028, binigyang-diin ni Villar ang pangangailangan na tiyakin ang pagiging episyente at epektibo ng serbisyo ng Meralco.

“We are here to scrutinize the service provided by Meralco in the past years and determine how we could amend its ways to make it adaptive to the current demands and challenges of every Filipino household and business,” dagdag pa ni Villar.

Samantala, inilahad ni Committee Chairperson Senator Raffy Tulfo ang malaking kontribusyon ng Meralco sa ekonomiya, na nagseserbisyo sa 25 porsyento ng populasyon at nagbibigay kuryente sa mga industriya na bumubuo ng 50 porsyento ng gross domestic product ng bansa.

“All these aspects of Meralco’s business must be thoroughly and meticulously examined prior to the renewal of their franchise,” ani Tulfo.

Tinukoy din ni Tulfo ang mga pangunahing isyu na kailangang tugunan ng Meralco, kabilang na ang mas tumpak na billing gamit ang smart meters, mas maayos na maintenance upang maiwasan ang sunog at electrocution, at mas mabilis na pagtugon sa mga emergency.

Nakatakdang magsagawa pa ng karagdagang mga pagdinig ang komite upang suriin ang mga panukalang inobasyon ng Meralco at ang kanilang performance history bilang bahagi ng proseso ng franchise renewal.