Pacquiao

Hamon sa karanasan ng OFW sa Dubai pinakinggan

Edd Reyes Dec 6, 2024
46 Views

BINISITA ni dating Senador Manny Pacquao ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Winter Night Market sa Deira Dubai upang ipakita ang kanyang suporta sa ginagawang pagsusumikap at pagsasakripisyo ng mga ito para sa kinabukasan ng kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Nagtungo si Pacquiao sa Dubai para sa Game 1 at Game 2 ng Maharlika Philipinas Basketball League at mga serye ng mga kaganapan kasama ang mga opisyal ng Dubai sports, at sa kabila ng mahigpit na skedyul, isiningit niya ang pakikipagkita sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa UAE, lalo na ang mga nasa Deira, isang lugar na kilalang dinarayong pamilihan at masiglang pamayanang Pilipino.

Sa kanyang pagbisita, nakibahagi si Pacquiao sa pakikipag-usap sa mga OFW, tinanong sila tungkol sa kanilang mga hamon at karanasan sa rehiyon.

Maraming OFW ang nagbahagi ng kanilang mga alalahanin tungkol sa katatagan ng pananalapi, pag-access sa pangangalagang pangkalusugan, at balanse sa trabaho.

Nauunawaan ni Pacquiao kung gaano kahirap ang malayo sa mga mahal sa buhay kaya nais ng dating senador na marinig ang mga hanaing ng mga kababayan upang gawin sa abot ng makakaya ang makatulong na mapabuti ang sitwasyon ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Binigyang-diin din ni Pacquiao ang kahalagahan ng tamang legal na suporta at edukasyon para sa mga OFW, upang matiyak na alam nila ang kanilang mga karapatan sa UAE.