Calendar
Hanggang 3.5% lang ng palay posibleng mawala sa pagtama ng El Niño — DA
HANGGANG 3.5 porsiyento lang ng ani ng palay ngayong taon ang posibleng mawala sa pagtama ng El Niño, ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes. Normal pa raw ang lebel ng tubig sa halos lahat ng malalaking dam.
Iniulat ito ni Agriculture Assistant Secretary U-Nichols Manalo sa unang pagdinig ng Senate Ad Hoc Committee on Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE), na pinangunahan ni Senadora Risa Hontiveros.
Tinanong ni Hontiveros kung sapat ang nakaimbak na bigas sa gitna ng babala ng “super El Niño” na aabot hanggang 2027.
Ayon kay Manalo, sa pinakamasamang senaryo ay nasa 700,000 metriko tonelada ng palay ang maaaring mabawas. Katumbas daw ito ng humigit-kumulang 3.5 porsiyento ng 18 milyong toneladang target ngayong taon. Sa nakalipas na 30 taon, 200,000 hanggang 300,000 tonelada ang karaniwang nababawas tuwing El Niño.
Malaking tulong daw ang mga pag-ulan nitong mga nakaraang buwan.
“Kaya sa ngayon po halos lahat ng ating major dams nasa normal level yung tubig nila,” ani Manalo.
Batay sa pagtaya ng DA, sapat ang bigas para sa humigit-kumulang 75 araw pagsapit ng katapusan ng Disyembre, kasama ang inaangkat.
Gusto rin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na lumaki ang buffer stock ng National Food Authority (NFA) sa hindi bababa sa 15 araw mula pito hanggang siyam na araw ngayon, kahit limitado ang budget ng ahensiya.
Inatasan na raw ang NFA na bumili ng palay ngayong anihan. Pinaluluwag na hanggang kalahati ng espasyo sa mga bodega nito para magkasya ang bagong ani.
Ayon kay Manalo, nagsimula na ang El Niño. Batay sa forecast ng PAGASA, tatagal ito mula ikaapat na quarter hanggang unang kalahati ng susunod na taon. Ika-siyam na El Niño na raw ito sa loob ng 30 taon.
Muling pinagana ng gobyerno ang national task force laban sa El Niño, na may limang sektor: pagkain, enerhiya, tubig, kalusugan at kaligtasan ng publiko. ₱45 bilyon ang nakapondong pinagsama-samang tugon ng DA, karamihan para sa production inputs at kasama ang cloud seeding.
Sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund, namamahagi na ang Philippine Rice Research Institute ng certified seeds na matibay sa tagtuyot o mabilis anihin sa lahat ng rehiyon. Katuwang naman ng DA ang mga LGU sa pagsasaayos ng mga kanal ng irigasyon.
Kasama ang PhilRice at International Rice Research Institute, tinukoy ng DA ang mga lugar na hindi gaanong tatamaan para doon palakasin ang produksiyon. Sa mga lugar na talagang walang mapagkukunan ng tubig, hindi na raw magpapatanim ang DA dahil masasayang lang ang puhunan.
Ililipat ang mga magsasaka roon sa mais o pananim na kaunti lang ang kailangang tubig. Kung hindi talaga puwedeng magtanim, makikipag-ugnayan ang DA sa Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment para sa alternatibong kabuhayan.
Bukod sa ayuda at fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda, may dagdag na ₱10 bilyon para sa presidential assistance sa kanila, kasama ang mga hindi nakatanggap sa unang bigayan. May dagdag ding pondo para sa mga apektadong trucker na nagbibiyahe ng pagkain.
Hiniling na rin ng DA sa Toll Regulatory Board na suspindihin hanggang Disyembre ang toll fee ng mga trak ng produktong agrikultural. Naipatupad na ito nang halos isang buwan noong Abril at Mayo nang sumiklab ang gera.
Gumaan ang loob ni Senate President Sherwin Gatchalian sa ulat.
“Nanonood ako ng Youtube natatakot ako. Pag nakikinig ako sa iyo parang hindi ako natatakot,” aniya.
Pero may paalala si Hontiveros. “Baka mas dapat matakot tayo… para mas kumilos ang Senado?” tanong niya.
Tugon ni Manalo, pinakamasamang senaryo ang laging batayan ng kanilang pagtaya.
Nabanggit din ni Gatchalian na nagdeklara ng state of calamity ang Dinagat dahil sa sunog sa kagubatan bunsod ng matinding init, habang binabaha naman ang ilang bahagi ng Luzon.
May mga babala rin ang DA. Hindi raw El Niño ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas nitong mga nakaraang buwan. Itinuro ni Gatchalian ang langis at logistics bilang posibleng dahilan.
Kulang din daw ang pondo para sa cloud seeding. Inaasahan ding dadami ang peste at sakit ng hayop sa matinding init, kaya hamon ang bakuna sa babuyan at ang tamang pag-aalaga sa mga palaisdaan.
Noong El Niño ng 2023-2024, ₱15.4 bilyon ang pinsala kahit nasa 250,000 ektarya lang ang tinamaan. Pinakatinamaan ang sibuyas, gulay at saging sa Mindoro. Apektado rin ng pagbaba ng ani ng mais ang livestock dahil sa feeds.
Wala pang pagtaya ang DA sa pinsala ngayong taon. Pero inakala ni Gatchalian na halos ganito rin ang lugi.
“Ang loss niyo, assuming, is Php15B. Tapos yung budget to address is Php45B. Sobra-sobra na,” aniya.
Hiningi niya ang breakdown ng ₱45 bilyon at pinasuri muli ang datos, baka raw may nakaligtaang zero. Humingi rin si Hontiveros ng kopya ng El Niño plan ng DA at ng Department of Economy, Planning, and Development.

