Calendar
Pondo sa CSC itinaguyod ni Teves
ITINAGUYOD ni House Deputy Speaker at TGP Partylist Rep. Bong Joson Teves Jr. ang panukalang pondo para sa Civil Service Commission (CSC) at Career Executive Service Board (CESB) sa plenaryo ng Kamara.
Ipinagtanggol ni Teves ang P4.04 bilyong proposed budget ng CSC at P142.9 milyong proposed budget ng CESB para sa susunod na taon.
Ang CSC at CESB ay mga institusyong may mahalagang papel sa sistema ng serbisyo sibil ng pamahalaan. Tinitiyak ng mga ito na ang mga appointment at personnel actions sa serbisyo publiko ay nakabatay sa merito at kwalipikasyon.
Ipinaliwanag ni Teves na kabilang din sa kanilang mandato ang pagsusulong ng propesyonalismo, integridad, kahusayan, pagiging tumutugon sa pangangailangan ng publiko at pananagutan sa hanay ng mga kawani ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Teves na mahalaga ang sapat na pondo ng CSC at CESB upang maisagawa ang kanilang tungkulin bilang pangunahing human resource agencies ng pamahalaan at mapanatili ang isang mahusay at propesyonal na serbisyo publiko.
Nakikibahagi si Teves sa pagsusuri at pagtatanggol sa mga panukalang pondo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bilang bahagi ng proseso ng pambansang badyet.

